Update ng CIDG sa forged docu, hinihintay pa ng Malakanyang

Update ng CIDG sa forged docu, hinihintay pa ng Malakanyang

August 31, 2022 @ 3:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Naghihintay pa rin ang Malakanyang ng sasabihin ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) hinggil sa naging kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na imbestigahan ang dokumento hinggil sa di umano’y appointment ng bagong Commissioner ng Bureau of Immigration.

Giit ng Malakanyang, “forged” o ginaya ang pirma ni Pangulong Marcos  sa nasabing dokumento.

“As of yesterday afternoonm I was informed by Sec. Boying Remulla that the NBI __ has already commenced its investigation. We are waiting to hear from the CIDG,” ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles

Iniutos kasi ni Pangulong Marcos na imbestigahan ang source ng appointment document na pinaniniwalaang pineke.

Sinabi ni Cruz-Angeles na ang dokumento ng appointment ni Atty. Abraham Espejo bilang bagong Immigration chief ay hindi mahanap sa records ng Office of the President, Office of the Executive Secretary o ng Presidential Management Staff.

“Signature ng ating pangulo ang pinaghihinalaan nating na-forge, so medyo mabigat po ‘yung implications nyan,” sabi niya sa isang press briefing.

“It can cause not just confusion but further crimes. Kung kaya’t with this in mind, nag-order siya ng investigation,” dagdag pa ni Angeles.

Si Espejo ay dating Dean ng College of Law ng New Era University. Ang kanya umanong “appointment” ay iniulat ng ilang media organizations kung saan nabanggit ang anonymous sources na nakatanggap ng kopya ng umano’y appointment paper.

Sinabi ng Press Secretary na ang Department of Justice (DOJ), sa pamamagitan ng attached agencies nito na National Bureau of Investigation (NBI) at ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang hahawak sa imbestigasyon.

Nagbabala naman siya sa mga mahahatulang guilty sa pamemeke sa pirma o stamp ng presidente o ng Great Seal of the Government kung saan may parusang reclusion temporal o pagkakulong na 12 hanggang 20 taon.

“‘Yung ganitong klaseng crime can cause instability,” giit niya. “Ito po ‘yung pangunahin sa isip ng ating pangulo na magkakagulo kung ano, kung ganito ‘yung papabayaan nating mangyari,” sabi pa ni Angeles.

Nanawagan din ang press secretary sa media outlets kung may impormasyon sa source ng dokumento na makipag-ugnayan sa mga awtoridad.

Giit ng Malakanyang, dapat managot ang sinumang nasa likod nito.

Samantala, ginagawa ng Malakanyang ang lahat ng makakaya nito  upang agad na mailabas sa lalong madaling panahon ang pangalan ng mga indibidwal na itinatalaga sa posisyon sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Ang pahayag na ito ni Cruz-Angeles ay  kasunod ng lumabas na ulat ukol sa sa umanoy pagtatalaga na ni Pangulong Marcos ng mga opisyal na uupo sa  Bureau of Immigration and Deportation (BID) na isa namang fake news.

Ani Cruz-Angeles, sa gitna Ng hinihinging kumpirmasyon ukol sa appointment ng isang indibidwal ay sinisikap naman nilang tugunan agad ang  mga katanungan na may kinalaman sa mga napapabalitang makasama sa Marcos Administration.

Kapag may confirmation na aniya ay dali- dali naman aniya nilang ipinababatid sa media ang balita makaraan ang masusing proseso para isapubliko na ang isang impormasyon ay may kinalaman sa appointment.

Binigyang halimbawa naman ni Cruz-Angeles ang kanilang ginawa sa  isang nagpakumpirma ukol sa sinasabing may pinuno na sa BID na pagkatapos ng ilang  pagtatanong sa PMS, Office of the President at Executive Secretary ay napag- alamang Wala Naman palang gayung appointment na nilagdaan si Pangulong Marcos Jr. at ngayoy “subject” na ng imbestigasyon. Kris Jose