UPDATE: Pekeng pugot na ulo, posibleng pananakot sa kapitana ng barangay

UPDATE: Pekeng pugot na ulo, posibleng pananakot sa kapitana ng barangay

August 6, 2018 @ 9:42 AM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Nagulantang ang mga residente sa isang barangay sa Tondo nang matagpuan ang isang pugot na ulo sa gilid ng kalsada kahapon (August 5).

Sa Fb post ni Chairwoman Lourdes Gutierrez ng Barangay 163 Zone 14, inireport sa barangay ng isang concern citizen ang nakitang pugot na ulo na nakabalot pa ng puting towel.

Tiyempo namang may napadaan na nakamotorsiklong pulis kaya agad naitawag sa MPD Station 1 at Station 7 na mabilis namang nirespondehan.

Pagdating sa lugar sa kahabaan ng Juan Luna Street malapit sa Lakandula High School, agad hinarangan ng mga pulis ang lugar dahil dinumog na ito ng mga ususero.

Ayon kay Chairwoman Gutierrez, nung una aniya ay ayaw pa ipagalaw ng pulis ang pugot na ulo ngunit napansin nitong isa lamang “fake” o “manikin” kaya agad nitong iniangat.

Nang panuorin ang kuha ng CCTV, nakitang mga grupo ng kabataang nagnanazareno ang siyang nag-iwan sa manikin na pugot na ulo sa sulok ng isang poste sa nasabing lugar.

Kaugnay nito, naging palaisipan naman ng karamihan ang nangyari at ginawang pananakot ng mga kabataan.

Ilang taga-suporta at kabarangay din ni Guttierez ang nagsabing mag-iingat ito dahil posible o maaring isa itong panakot, babala laban sa kanya at ng iba pa nitong mga opisyales sa barangay lalo pa’t nalagasan na ito ng isang tanod dahil na rin sa laban kontra sa iligal na droga.

Gayunman, hindi naman natinag ang punong barangay.

Bagama’t isa lamang false alarm ang pugot na ulo, nagpasalamat din si Guttierez sa mga residente sa kanyang nasasakupan sa ibinigay na suporta ang pag-aalala lalo pa’t hindi pa nalulutas ang kaso ng kanyang tanod na binaril sa tapat ng nasabi ding eskuwelahan.

Pinag-aaralan pa ng awtoridad kung ano ang maaaring ipanagot sa mga kabataang nagtapon ng pugot na ulo ng manikin at kung may nag-utos sa kanila upang manakot lamang sa mga tao sa lugar. Jocelyn Tabancura-Domenden