UPDATE: Retiradong pulis, patay sa pamamaril, 1 pa sugatan

UPDATE: Retiradong pulis, patay sa pamamaril, 1 pa sugatan

August 5, 2018 @ 2:43 PM 4 years ago


 

 

Manila, Philippines – Apat na tama ng ‘di pa mabatid na kalibre ng baril ang bumaon sa ulo ng nasawing si P/Supt. Roberto Palisoc nang ito ay pagbabarilin kaninang umaga sa Malate, Maynila.

Bukod kay Palisoc, nadamay din at sugatan ang kasama nitong nakasakay sa isang sidecar na si Renato Domalaon, 59-anyos.

Nagtamo ito ng tama ng bala sa likurang bahagi ng kanyang balikat at gitnang daliri na ngayon ay ginagamot sa Manila Doctors Hospital.

Ayon kay SPO1  Bernard Cayabyab, may hawak ng kaso, pasado alas-9 kaninang umaga nang maganap ang pamamaril kay Palisoc habang sakay ng sidecar sa kahabaan ng A . Linao St. corner  San Andres St. Malate, Maynila.

Galing umano ang biktima sa kanilang bahay patungo sa Modesto Street upang kumain nang pagbabarilin ng dalawang tumakas na hindi pa nakikilalang suspek.

Nakuha sa crime scene ang tatlong basyo ng bala ng .45 kalibre at dalawang deform slug.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa posibleng motibo sa pagpaslang sa retiradong pulis. Jocelyn Tabangcura-Domenden