Tondo, Manila – Halos walong oras na nakipaglaban kay kamatayan sa Tondo Medical Center ang isang 46 anyos na Tsinoy, matapos tambangan kaninang umaga ng tinaguriang “riding in tandem” sa kahabaan ng Pier 18, Road 10, malapit sa Smokey Mountain, sa Tondo, Manila.
Dahil sa driver’s license nakilala ang biktimang si Juan Miguel Tan , 46-anyos; habang patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Manila Police District sa pagkakakilanlan sa dalawang magkaangkas sa motorsiklo.
Batay sa ulat ni Det. Dennis Turla, dakong 4:00 pasado nang bawian ng buhay si Tan sa naturang pagamutan, sanhi ng mga putok ng baril.
Nauna nang napabalita ang naganap na ambush sa biktima sa pasado 8:00 ng umaga sa Road 10, sa Tondo.
Sa impormasyon, ilang residente malapit sa pinangyarihan ang nakarinig ng mga putok ng baril bago nakitang duguan sa loob ng kaniyang Beige na Toyota Avanza na may conduction sticker na A4 X299.
Sa kuha ng Closed Circuit Television (CCTV) ng Barangay 10, nag-“U-turn” pa ang mga suspek na riding in tandem pabalik ng northbound. (Rene Crisostomo)