UPLB grad nanguna sa 2022 chemist board exam

UPLB grad nanguna sa 2022 chemist board exam

October 26, 2022 @ 9:10 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nanguna ang estudyante mula sa University of the Philippines – Los Banos sa resulta ng isinagawang October 2022 Chemist Licensure Examination at Chemical Technician Licensure Examination.

Ayon sa Professional Regulation Commission (PRC), sa 731 estudyante na nagsulit ay 284 ang nakapasa sa Chemist Licensure Examination.

Nanguna dito si Carmel Rose Malones Rolloque mula sa UP Los Banos na mayroong 91.30% score rating.

Sinundan naman ito ni Ryan Joseph Ycoy Magsipoc ng University of Santo Tomas sa ikalawang pwesto na may 90.60% rating at Yumi Lee Briones ng Ateneo De Manila University sa 88.80% rating.

Samantala, ayon sa PRC ay mayroon namang 2,204 test takers ang nakapasa mula sa 2,588 kumuha ng pagsusulit sa Chemical Technician Licensure Examination na isinagawa rin ngayong buwan.

Nanguna naman dito sina Carlos Antonio Nicdao Concepcion ng UPLB, Christian Rey Salinio dela Cruz ng Technological University of the Philippines sa Visayas, at Jopette Marie Binasahan Villas ng Eastern Visayas State University sa Tacloban City na pare-parehong nasa unang pwesto sa rating na 94%.

Ayon naman sa PRC, ang mga pumalya sa board examination for chemist ngunit mayroong nasa 70% ng raying sa kahit anong dalawang subject ay maaari nang magparehistro bilang chemical technician.

Sa naturang pagsusulit, itinanghal ang UP Los Baños na top performing school sa 82.35% passing percentage.

Ang TUP Visayas naman ang top performing school sa chemical technician licensure examination na may 100% passing rate. RNT/JGC