US at iba pa, bawal magtayo ng base militar sa ex-Soviet states – Lavrov

US at iba pa, bawal magtayo ng base militar sa ex-Soviet states – Lavrov

March 2, 2022 @ 9:20 AM 4 months ago


MOSCOW – Inihayag ni Russia Foreign Minister Sergei Lavrov na hindi dapat magkaroon ang United States at iba pang bansang kaalyado nito ng mga base militar sa lahat ng bansang humiwalay noon sa Union of Soviet Socialist Republics.

Mariin din nitong inihayag ang hinanakit ng Russia na may mga bansa sa Europe na tumanggap ng mga bombang nukleyar ng US at nagiging banta umano itop sa seguridag ng Russia.

Sinusubukan din umano ng Ukraine na magkaroon ng armas nukleyar ngunit pilit na pinipigilan ito.

Nasagap ang mga pahayag na ito mula sa Tass news agency at iba pang pahayagan sa Russia.

Matatandaang sinabi ni Russia President Vladimir Putin na non-negotiable ang anomang banta sa seguridad ng Russia, lalo na ang pagkakaroon ng mga katabi nitong bansa ng mga armas na malalakas bilang panlaban sa Russia.

Inakusahan nito ang US at NATO ng expansionism o pagtatayo ng mga bakod militar laban sa Russia habang kabaligtaran naman nito ang sinasabi ng mga kalaban nito.

Sa ngayon, maging ang paggamit ng bombang nukleyar ng Russia ay ibinabala na ni Putin sa mga makikialam sa digmaan, lalo na kung aabot ang digmaan mismo sa loob ng Russia.

Minaliit naman ni United States President Joseph Biden ang bantang nukleyar at sinabihan mismo ang mga Amerikano na huwag pumatold dito.

Naunang gumamit ang mga Amerikano ng atomic bomb sa Hiroshima at Nagasaki sa Japan noong 1945 at naghabol ang Russia na gumawa nito upang tapatan ang US.

Magkapareho na ngayong may bombang nukleyar ang dalawang bansa, kasama ang France, United Kingdom, China, India, Israel at North Korea.  RNT