US nabahala sa insidente sa Pag-asa – Amb. Romualdez

US nabahala sa insidente sa Pag-asa – Amb. Romualdez

November 24, 2022 @ 4:42 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng United States ang pagkabahala sa naganap na komprontasyon sa pagitan ng Filipino at Chinese personnel malapit sa Pag-asa Island nitong weekend, ayon kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez nitong Huwebes.

Sa panayam, tinanong si Romualdez ukol sa koordinasyon ng Pilipinas sa US government akasunod ng komprontasyon ng Naval Station Emilio Liwanag (NSEL) ng Pilipinas at ng Chinese Coast Guard sa Pag-asa Island nitong Linggo kung saan “sapilitang” kinuha ng huli ang “forcefully” unidentified floating object mula saPhilippine forces.

“Well, siyempre very concerned sila dahil nangyari ‘yan ngayon,” sabi ni Romualdez.

“Pero ang instructions ni Presidente na i-investigate nang mabuti at ang Navy ay nag-confirm na ginawa nga ito ng mga Chinese vessels,” dagdag niya.

Nauna nang iulat ng Department of Foreign Affairs na nagpadala na ang Pilipinas ng note verbale sa China kasunod ng insidente.

Magugunitang itinanggi ng Chinese Embassy na sapilitang kinuha ng Chinese Coast Guard personnel ang object, at sinabing isinagawa ito sa pamamagitan ng “friendly consultation.”

“Tayong mga Pilipino, mahahaba ‘yung ating pasensya. Pero darating [ang] araw, sana ‘wag na lang sana dumating doon, na meron tayong boiling point… Hopefully nga itong mga situation na ganito, it will be resolved peacefully,” ani Romualdez.

“Hindi naman tayo naghahanap ng gulo. Tayo ang ginugulo,” patuloy niya. RNT/SA