US nangako ng depensa sa Pinas sa oras ng pag-atake sa South China Sea

US nangako ng depensa sa Pinas sa oras ng pag-atake sa South China Sea

November 21, 2022 @ 6:16 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Kaagad na tutuparin ng Estados Unidos ang mutual defense promise nito sa bansa sa oras na atakihin ang puwersa ng Pilipinas sa South China Sea.

Ito ang pangakong binitiwan ni Vice President Kamala Harris sa ginawa nitong courtesy call kay Pangulong  Ferdinand Marcos Jr., araw ng Lunes, Nobyembre 21 sa Palasyo ng Malakanyang.

Binigyang diin ni Harris na ang batayan ng  ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa ay mutual commitments sa  “international rules and norms.”

“We are both proud members of the Indo-Pacific and in particular as it relates to the Philippines. I will say that we must reiterate always that we stand with you in defense of international rules and norms as it relates to the South China Sea… An armed attack on the Philippine Armed Forces public vessels or aircraft in the South China Sea would invoke US mutual defense commitments,” ayon kay Harris.

“And that is an unwavering commitment that we have to the Philippines,” dagdag na wika ni Harris kay Pangulong  Marcos.

Tinuran nito na ang alyansa sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas ay matibay at pangmatagalan.

Sinabi pa ni Harris  kay Pangulong Marcos  na nasa ilalim ng liderato nito ang patuloy na paglakas ng ugnayan ng dalawang bansa sabay sabing: “We look forward to working with you on many of these issues and I of course bring you greetings from President Joe Biden.”

Para naman kay Marcos, ang pagbisita ni Harris sa Pilipinas ay simbolo ng dahilan upang manatiling matatag at malakas ang ugnayan ng dalawang bansa.

“The situation is rapidly changing. We must evolve to be properly responsive to that situation but so that is why it is very important that we continue to progress, that we continue to strengthen as we redefine those relationships,” ayon pa sa Pangulo.

Muli namang inulit ni Pangulong Marcos na hindi niya nakikita ang Pilipinas sa hinaharap  na hindi kasama ang Estados Unidos.

“Of course we went through different phases of relationship, but as since the war it’s just been strengthened in every way in the economic sense, in the political sense, defense security. I cannot think of an area where we have not cooperated, collaborated and have had good results for both our countries,” ayon kay Pangulong Marcos.

Nagpasalamat naman si Pangulong Marcos kay Harris dahil sa commitment nito  na suportahan ang Pilipinas.

“Well, thank you, Madame Vice President. Please do send President Biden my warmest regards. And I thank you for the very strong commitment that you have just made for the US to be defensive of the Philippines,” aniya.

Dumating sa Pilipinas si Harris, Linggo ng gabi, Nobyembre 20.

Nakatakda itong bumisita sa Puerto Princesa, Palawan, bukas, araw ng Martes, kung saan inaasahan na magsasalita ukol sa kahalagahan ng  international law at freedom of navigation sa South China Sea.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng Publiko na ang Estados Unidos ay hayagan sa kanilang hangarin na isulong ang “free at open Indo-Pacific.”

Pagdating sa usapin ng South China Sea, ipinahayag ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagsunod sa  international law, kabilang na rito ang  United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Sa working visit ng Pangulo sa  New York noong Setyembre, sinabi ni Pangulong Marcos na ang “most of the strongest corporate benefactors” ng Pilipinas ay mula sa Estados Unidos. Kris Jose