US-PH nuclear deal paiimbestigahan ng Makabayan bloc

US-PH nuclear deal paiimbestigahan ng Makabayan bloc

November 23, 2022 @ 1:30 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Naghain ng resolusyon para paimbestigahan ng Makabayan bloc ang inanunsyo ni US Vice President Kamala Harris na nuclear energy cooperation deal sa pagitan ng Estados Unidos at ng Pilipinas.

Ayon kina ACT Teachers party-list Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, at Kabataan party-list Rep. Raoul Danniel Manuel, lubhang napakadelikado nito sa kalusugan at kaligtasan ng mga Filipino maging ng kapaligiran.

Dagdag pa, tila gagawin nitong “guinea pigs” ang mga Pinoy sa mga isasagawang nuclear equipment testing.

“Ang mahirap dito baka tayong mga mamamayang Pilipino ang ma-1-2-3 at maging mga guinea pig ng teknolohiyang ito na tine-testing pa lang ng US,” sinabi ni Castro sa isang pahayag.

Sa White House fact sheet na inilabas nitong Lunes, Nobyembre 21, ang 123 Agreement o nuclear energy cooperation deal ay maglalatag ng legal na basehan sa pag-aangkat ng mga nuclear equipment at materyales mula US patungong Pilipinas.

Layon nitong suportahan ang ugnayan ng dalawang bansa sa zero-emission energy at nonproliferation ng nuclear weapons.

Ayon kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, ikinukunsidera ng administrasyong Marcos ang pagdadala ng US-developed small modular reactors dito sa bansa.

“As it is, modular or microreactor nuclear power plants are still at an experimental stage and are only legally being made in US bases. Early this year, the Pentagon’s Strategic Capabilities Office announced the construction and testing decision that followed the office’s Environmental Impact Statement work for Project Pele,” reaksyon ni Castro patungkol dito.

“Given the high threats posed to the health and safety of Filipinos and our environment by experimental nuclear technology, it is therefore urgent that Congress and the Filipino people are clued in on the proposed terms and conditions and other details of the said 123 Agreement,” dagdag pa niya.

Matatandaan na nitong Hulyo ay sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na prayoridad niya ang paggamit ng renewable energy sources kabilang na ang nuclear energy upang matugunan ang problema sa climate change at disaster resilience capability ng bansa. RNT/JGC