US pumalpak sa paghatak ng UN Security Council sa pagkondena sa Russia

US pumalpak sa paghatak ng UN Security Council sa pagkondena sa Russia

February 26, 2022 @ 1:48 PM 4 months ago


NEW YORK – Nabigo ang United States at United Kingdom na hatakin ang buong United Nations Security Council para kondenahin ang paglusob ng Russia sa Ukraine.

Sa botohang naganap, nag-iisa ang Russua na bumoto ng No samantalang nag-abstain naman ang malalaking bansang China at India at United Arab Emirates.

Dahil sa hawak na veto power ng Russia, hindi natuloy ang resolusyon ng pagkondena at nagkaroon din ng epekto ang hindi pagsali sa botohan ng China, India at UAE kahit pa pinalabnaw ang resolusyon.

Bukod sa Russia, may veto power din ang US, UK, France at China bilang permanenteng miyembro ng UNSC.

Hindi mabubuo ang mahalagang resolusyon o maipatutupad ito kung may isa sa mga permanenteng miyembro ang bumoto ng No o mag-veto.

Sa ngayon, ginagawa ng US at UK ang lahat para paralisahin ang ekonomiya ng Russia at ihiwalay ito sa negosyo at pulitika mula sa 192 ibang miyembro ng UNSC.

Subalit hindi naman tumutugot dito ang China at India na may malaking negosyo na nauugnay sa Russia.

Pareho ang China at India na nag-aangkat ng langis at natural gas mula sa Russia, kasama na ang mga arina at mais na kailangan nila para sa pagkain at agrikultura.

Kaya naman, ngayong hinaharang ng US at UK ang dolyar at pound para hindi magamit ng Russia sa pandaigdigang transaksyon nito, iniaalok ng India na gamitin na lang nito ang Rupeeh at perang Ruso sa pakikipagkalakalan dito.

Hindi naman problema ang uri ng salapi sa pagitan ng Russia at China.

Kaibigan naman ng Russia ang UAE at may simpatiya ang huli sa Syria na kaalyado naman ng Russia sa Gitnang Silangan. RNT