US, SoKor at Japan naglabas ng bagong sanctions vs NoKor

US, SoKor at Japan naglabas ng bagong sanctions vs NoKor

December 2, 2022 @ 1:39 PM 2 months ago


SEOUL, South Korea – Naglabas ng pinakabagong sanctions ang mga bansang Estados Unidos, Japan at South Korea sa ilang mga indibidwal at grupo sa North Korea dahil sa sunod-sunod na mga missile tests ng nasabing bansa kamakailan.

Ito ang inanunsyo nitong Huwebes, Disyembre 1 kung saan ang naturang aksyon ay haharang sa anumang assets ng tatlong tinukoy na North Korean officials sa Estados Unidos.

Nagbabala rin ng sanctions ang US Treasury Department laban sa sinumang makikipagtransaksyon sa mga North Koreans na sina Jon Il Ho, Yu Jin at Kim Su Gil, na natukoy na direktang may kinalaman sa paggawa ng mga armas ng nasabing bansa.

Maliban sa Estados Unidos ay nag-anunsyo rin ng bagong sanctions ang Tokyo at Seoul nitong Biyernes, Disyembre 2.

Ayon sa South Korea, target nito ang 8 indibidwal kabilang na ang isang Taiwanese at Singaporean national na nakibahagi rin sa nuclear at missile development ng North Korea.

Ang sanctions naman ng Japan ay ang pagsasailalim sa freezing ng assets ng tatlong North Korean groups na Korea Haegumgang Trading Corp, Korea Namgang Trading Corp at Lazarus Group — kasama na ang isang indibidwal na si Kim Su Il. RNT/JGC