US VP Harris bumisita sa SoKor

US VP Harris bumisita sa SoKor

September 29, 2022 @ 11:48 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Dumating na si US Vice President Kamala Harris sa South Korea nitong Huwebes upang pagtibayin ang alyansa ng Washington sa Seoul, isang araw matapos mag-test ang nuclear-armed North Korea ng ballistic missiles.

Makikipagkita si Harris, na lumapag sa Osan airbase matapos pumunta sa Toky oupang dumalo sa state funeral ni dating Japanese prime minister Shinzo Abe, kay President Yoon Suk-yeol ng South Korea.

Bibisitahin din niya ang Demilitarized Zone na naghahati sa North at South Korea, isang aksyon na maaaring ikagalit ng Pyongyang.

Tinawag ng North Korea si US House Speaker Nancy Pelosi na “worst destroyer of international peace” nang bumisita siya sa border noong Agosto.

Nagsagawa ang North Korea ng dalawang banned ballistic missile launches ngayong linggo bago ang pagdating ni Harris bilang bahagi ng record-breaking streak ng weapons tests sa taong ito.

Bago umalis ng Japan, inakusahan ni Harris ang North Korea ng pagbabanta sa regional stability sa paglunsad ng mga missile, at kinondena ang “illicit weapons program.”

Ilang buwan nang nagbabala ang South Korea at US officials na naghahanda si North Korean leader Kim Jong Un na magsagawa ng panibagong nuclear test, kung saan sinabi ng spy agency ng South na posile itong ganapin sa susunod na buwan, kasunod ng Communist Party Congress ng China.

Nagsasagawa ang United States at South Korea ng large-scale joint naval exercise ngayong linggo, sa pagpapakita ng pwersa laban sa mga aksyon ng North Korea.

Nakatakdang talakayin nina Harris at President Yoon, ang security alliance ng dalawang bansa, ang lumalago nilang economic at technology partnership, at iba pang regional at global issues, base sa opisina ng US official.

Posible namang ilahad ng Seoul ang pagkabahala nito sa bagong batas na nilagdaan ni US President Joe Biden na nag-aalis ng subsidiya para sa electric cars na binuo sa labas ng America, kung saan apektado ang Korean automakers gaya ng Hyundai at Kia. RNT/SA