USA laglag sa 11th place sa Chess Olympiad; PH umangat sa 31st spot

USA laglag sa 11th place sa Chess Olympiad; PH umangat sa 31st spot

August 2, 2022 @ 3:37 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nabulaga ang national team ng Estados Unidos ng bansang Uzbekistan sa Day 4 ng nagbabagang hostilidad sa 44th FIDE Chess Olympiad sa Mahabalipuram, India.

Ayon sa ulat, nagawang itabla ng Uzbekistan ang kanilang laban na may tig-dalawang panalo.

Sa Team USA, si Filipino-American at supergrandmaster na si Wesley So ang nanalo sa solidong game nito sa Board 3.

Nasilat ang top board ng USA na si GM Fabiano Caruana habang ang dalawa pang players na sina GM Levon Aronian at Sam Shankland ay nagkasya lamang sa draw game.

Dahil dito, lumagak sa 11th place ang Team USA.

Umungos naman sa standing ang Team Pilipinas sa number 31 sa event na nilalahukan ng mahigit 100 mga bansa.

Inilampaso ng mga Pinoy ang team ng Monaco sa score na 3.5, habang ang kalaban ay meron lamang point 5.

Ayon sa ulat, nagtala ng mga panalo sa Board 2 si GM John Paul Gomez, GM Darwin Laylo at si GM Paulo Bersamin habang ang top board na si GM Rogelio Barcenilla, tabla sa laban.

Nangunguna pa rin ang home team India na sinusundan ng Armenia, Israel at England.

Nasa 39th place naman ang Women’s team ng Pilipinas.JC