Usapan sa karapatan ng Bugkalots, naging matagumpay

Usapan sa karapatan ng Bugkalots, naging matagumpay

October 19, 2022 @ 7:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Naging matagumpay ang pinakahihintay na mapayapang pag-uusap sa pagitan ng Bugkalot Ancestral Domain Environmental Management Council (BADEMC), Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM), at ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na pinasimulan ni NIA Administrator Benny D. Antiporda at ngayon ay hudyat ng panibagong simula para sa mga Bugkalots upang matiyak ang kanilang mga karapatan.

Upang matugunan ang panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pananalasa ng Bagyong Karding sa pulong ng NDRRMC, agad na inaksyunan ng NIA at PSALM ang ilang dekada nang namamalaging alalahanin ng Tribong Bugkalot na naapektuhan ng Casecnan Multipurpose Irrigation and Power Project (CMIPP) sa Lalawigan ng Nueva Ecija at nagresulta sa stand-off sa pagitan ng militar, PNP, at mga miyembro ng Tribu Bugkalot sa Barangay Pelaway, Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya.

“Dahil kami ay mabubuting Pilipino rin humahanap kami ng paraan kung saan tayo magsasalubong nang hindi maapektuhan ang pambansang interes. Kasi alam natin ‘yan, it is part of the economic growth ng Pilipinas. Pero in the part of Bugkalot, bilang nagtiis nang matagal, nandito kami ngayon — puso sa puso,” ayon kay BADEMC Chairman Daniel P. Pasigian.

Kaugnay nito binigyang-diin ni Antiporda na pinakikinggan ng NIA ang sentimyento ng Tribu Bugkalot at magbibigay ng solusyon ang Ahensya sa kanilang mga kahilingan.

Sa isang pangako na silang lahat ay magkikita sa kalagitnaan, ang gobyerno, sa pamamagitan ng NIA at PSALM, ay patuloy na magbibigay ng tulong at lubos na suporta para sa kapakanan ng mga katutubo.

“Nagkaroon po ng pag-uusap sa San Rafael, Bulacan na sinasabi niyo po ang hinihiling niyo po ay 3% wherein gusto namin ibigay. ‘Yon nga lang po ay napakalaki at hindi po kaya. Ngayon, pag-usapan natin kung saan tayo magkakasalubong para maging maganda naman ang tulong namin sa inyong lahat at maganda rin po ang tulong ninyo sa taong-bayan,” ani Antiporda.

Samantala ang isang mabungang talakayan ay humantong sa isang kasunduan ng isang kontrata sa pagitan ng PSALM, Bugkalot Tribe, at NIA. Kabilang dito ang 1.5% na bahagi ng netong kita mula sa CMIPP bilang bahagi ng Corporate Social Responsibility (CSR) ng Ahensya, pagsasama ng pagpapanatili ng kalsada, at pagbibigay ng mga tanod ng kagubatan, bukod sa iba pa.

Sa napakalaking tagumpay na ito, tinitiyak ng NIA na mapakikinabangan ng Ahensya ang kapasidad nito na tulungan hindi lamang ang mga magsasaka bilang pangunahing benepisyaryo kundi pati na rin ang mga katutubo.

PSALM President Dennis Edward A. dela Serna, President NCIP OIC Executive Director Atty. Caesar M. Ortega, Bugkalot Ancestral Domain Environmental Management Council Chairman Daniel P. Pasigian, Jetron Mike C. Marcos kinatawan ni Quirino Governor Dakila Carlo E. Cua, NIA UPRIIS Department Manager Rosalinda B. Bote, Financial Management Department Manager Milca B. Cayanga, at mga opisyal mula sa Central Office at field offices ay naroon sa coordination meeting na ginanap noong Oktubre 18, 2022 sa Convention Hall, 5th Floor, NIA Central Office, Quezon City. Santi Celario