USAPANG SOLAR POWER AT MGA ANAK NG COVID

USAPANG SOLAR POWER AT MGA ANAK NG COVID

January 26, 2022 @ 9:13 AM 8 months ago


SA pag-iikot ng diyaryong REMATE sa Quiapo, Maynila para magsarbey sa presyo ng solar power na nagkalat sa mga bangketa, lumalabas na higit na pabigat kaysa pampaginhawa sa buhay ito.

Paano?

Heto. Halimbawang kakabitan ang isang tahanan ng 40 piye por 40 piye na lapad ng solar panel, tantiya ng mga taga-Quiapo na uubos ang may-ari ng P300,000 para sa kumpletong sistema na binubuo ng mga solar panel, wiring, switch, baterya, labor at iba pa.

Kaya umano nitong makalikha ng nasa 5,000 watts at suplayan ng kuryente ang 1 refrigerator, 1-2 air conditioning unit, ilang electric fan, ilang bombilya, ilang computer at cellphone at de-kuryenteng lutuan.

Magkagayunman, higit umanong kailangan ang pag-andar ng solar power sa gabi at sasabayan ito ng elektrisidad na galing sa Meralco para sa araw bilang alternatibo kung magloko ang solar power.

Habang walang alalahanin ang pamilya sa dalawang taon, magkakaroon naman ito ng pagpapalit ng baterya ng nagkakahalaga ng mahigit P100,000 at posibleng pagpapalit ng mga sirang solar panel at iba pa lalo na kung may mga bagyo na sumisira sa mga ito.

Karaniwang nasa P1,500-P2,000 ang gastos sa elektrisidad ng isang pamilya at gumagastos ito ng maksimum na P24,000 kada taon at nasa P48,000 ito sa loob ng dalawang taon.

Lumilitaw na mas magastos sa dalawang taon, mahigit doble, ang solar power.

Totoo na makababawas ang solar energy sa pag-iinit ng panahon na dala ng mga langis na nagpapaandar sa mga generator o planta ng kuryente.

Subalit paano ang napakalaking pasanin ng mga mamamayan sa gastos sa paggamit ng solar energy lalo pa’t nakararanas ngayon lahat ng paghihirap?

STEALTH OMICRON AT IHU

Lumalabas, mga Bro, na habang nagtatagal ang coronavirus disease-19, nanganganak ito.

Pinakabagong anak ng COVID-19 ang anak ng malaganap ngayong Omicron variant o BA.1 na Stealth Omicron o BA.2 kung tawagin.

Sinasabi ng Department of Health na hindi pa malaman kung nasa Pilipinas na ang BA.2 subalit sinasabi naman ng iba na nasa Pilipinas at India na rin ito.

Maaari umanong mas nakahahawa ito kaya BA.1 ngunit inaalam pa kung makalilikha ito ng mas seryosong sakit.

Sa France naman, Enero 10, 2022 nang ihayag ng mga siyentistang French na may bagong virus ng COVID-19 na tinawag nilang IHU o B.1.640.2. subalit kakaiba ito sa Omicron variant at Delta variant.

May 46 mutations o bagong anyo ito habang may 37 na katangiang COVID-19 na wala nito.

At maaaring ito umano ang dahilan kung bakit dumarami ang itinatakbo sa intensive care unit sa mga ospital sa katimugang bahagi ng France.

May taglay umano ang IHU variant na E484K mutation na dahilan upang hindi umano gaanong tatalab ang mga bakunang gamit ngayon at may N501Y mula sa Alpha variant na dahilan ng mabilis na hawaan.

Magkagayunman, hindi pa umano ito iniimbestigahan ng World Health Organization bagama’t naisumite na ito sa mga kinauukulan.

MAGPABAKUNA LAHAT

Ang pinakamabuting gawin ngayon ay magpabakuna ang dapat magpabakuna at magtulong-tulong sa pagsunod sa mga health protocol na pagsusuot ng face mask, social distancing, hindi paglabas ng bahay kung hindi kinakailangan at iba pa.