Usapin sa endo, nat’l minimum wage handang buksan ng DOLE

Usapin sa endo, nat’l minimum wage handang buksan ng DOLE

July 4, 2022 @ 5:15 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sa ilalim ng bagong liderato sa labor department, muling pag-uusapan ang mga matagal nang isyu sa pagitan ng mga mangaggawa at employer upang nakahanap ng isang karaniwang batayan, partikular sa kontraktwalisasyon at ang panukalang taasan ang pambansang minimum na sahod.

Sinabi ni Labor Sec.Buenvenido Laguesma na bahagi ng  marching order ng Marcos administration para sa Department of Labor and Employment (DOLE) ay sumailalim sa konsultasyon sa lahat ng kinauukulang sektor upang matiyak kaagad ang isang tumutugon na aksyon sa mga problema.

Sinabi ng kalihim na nagsagawa ito ng isang dialogue sa mga grupo ng manggagawa ilang linggo bago umupo sa pwesto, at makikipag-usap sa sektor ng pamamahala ngayong linggo.

“Ang nakikita kong medyo malaking issue, itong masasabi nating problema kung bakit masama ang interpretasyon dito sa contractual arrangement ay ang endo na tinatapos ang pagseserbisyo kahit na merong dapat ipagpatuloy,” sabi ng labor chief.

Aniya muling rerepasihin ang department issuances na may kinalaman sa nasabing klase ng working arrangement at kanilang  sisikapin na isasaayos upang sa ganoon, hindi magkaroon ng patuloy na pag-abuso doon sa paggamit ng naturang klase ng working arrangement.

Idinagdag ni Laguesma na handa siyang iharap ang isyu sa mga mambabatas at komite sa parehong kapulungan ng Kongreso.

Nagpahayag din ng pagiging bukas si Laguesma na dinggin ang panukalang taasan ang national  minimum wage  sa ₱750, gayundin ang iba pang lugar na dapat isaalang-alang sa mga mekanismo na may kaugnayan sa kompensasyon ng mga manggagawa sa kanayunan.

Aniya, ang tatlong nangungunang pinagkakaabalahan ng mga grupo ng manggagawa ay ang seguridad sa trabaho, mga benepisyo sa kita, at mas mataas purchasing power upang harapin ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin. Jocelyn Tabangcura-Domenden