Nueva Ecija – Natukoy na umano ng pulisya ang utak o ang umarkila sa mga taong pumatay kay Gen. Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.
Kinumpirma naman ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Oscar Albayalde ang nasabing impormasyon, isang araw matapos maaresto ang dalawang suspek sa pag-ambush sa alkalde.
Matatandaan na pinagbabaril at napatay si Mayor Bote ng mga lalaking nakasakay sa motorsiklo noong Hulyo 3 habang paalis sa National Irrigation Administration office sa Cabanatuan City.
Sa inisyal na pagsisiyasat, tungkol umano sa negosyo ang motibo sa pagpatay kay Mayor Bote.
Ang pagpatay kay Bote ay nangyari, ilang araw matapos ding itumba ng “sniper” si Tanauan City Mayor Antonio Halili sa gitna ng flag-raising ceremony sa Batangas.
Nito namang Hulyo 7, inambush din si Vice Mayor Alex Lubigan ng Trece Martires, Cavite. (Nats Taboy)