Utang ng Pinas lumobo sa P13.64T

Utang ng Pinas lumobo sa P13.64T

December 7, 2022 @ 4:15 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Lumobo pa sa pinakabagong record high ang utang ng Pilipinas sa pagtatapos ng Oktubre ngayong taon.

Ito ay dahil sa tuloy-tuloy na pag-utang ng bansa bilang suporta sa fiscal requirements nito.

Sa datos na inilabas ng Bureau of Treasury nitong Miyerkules, Disyembre 7 ay umabot na sa P13.64 trilyon sa pagtatapos ng Oktubre.

Mas mataas ito ng 0.92% o P123.92 bilyon mula sa P13.517 trilyon na utang ng bansa sa pagtatapos ng Setyembre.

Ayon sa BTr, lumolobo ang utang kada buwan dahil sa net availment ng local at external loans.

Mula sa pagtatapos ng 2021 ay umangat ng P1.91 trilyon o 16.31% ang utang ng Pilipinas.

Sa nabanggit na total debt stock nitong Oktubre, malaking bahagi nito ay mula sa local borrowings na may 68.58% at ang 31.42% naman ay external loans.

“The outstanding national government debt may have continued to increase on a month-on-month basis by P123.9 billion due to some front-loading or lumped borrowings amid the need to hedge amid rising US, global, and local interest rates,” pagbabahagi ni Rizal Commercial Banking Corp. chief economist Michael Ricafort. RNT/JGC