Utang ng Pinas, nasa P12.79T sa katapusan ng Hunyo

Utang ng Pinas, nasa P12.79T sa katapusan ng Hunyo

August 5, 2022 @ 4:35 PM 3 days ago


MANILA, Philippines – Umabot sa P12.79 Trilyon ang kabuuang natitirang utang ng pambansang pamahalaan sa pagtatapos ng Hunyo 2022 o unang kalahati ng taon, ayon sa datos ng Bureau of Treasury ngayong Biyernes.

Ang stock ng utang ay umakyat ng 2.4 porsyento noong Hunyo dahil sa net issuances ng domestic at external loans maging ang currency adjustments, anang Treasury.

Mula sa kabuuang utang, 31.5 porsiyento ang nanggaling sa external na pangungutang, habang 68.5 porsiyento ay nakapaloob sa domestic borrowings, sabi ng BTr.

Ang domestic borrowings ay naitala sa P8.77 trilyon o mas mataas ng 1.2 porsiyento kumpara noong Mayo, habang ang external debt ay umabot sa P4.02 trilyon na tumaas ng 5.1 porsiyento, ayon sa datos.

“The increment in external debt was attributed to the impact of local currency depreciation agains the USD amounting to P186.94 billion,” anang BTr.

Nangangahulugan na ang external debt ay tumaas ng 7.3 porsyento kumpara sa antas ng pagtatapos noong Disyembre 2021, idinagdag nito.

Nauna nang sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na hindi na kailangang umutang ang bansa dahil ang ekonomiya ay nagpapakita ng mga palatandaan ng patuloy na pagbangon mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Ang ekonomiya ay lumago nang mas mabilis kaysa sa inaasahan sa 8.3 porsyento sa unang kalahati ng 2022, dagdag pa ng Budget chief.

Sa kanyang unang State of the Nation Address, sinabi ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr na layunin niyang bawasan ang debt-to-GDP ratio ng bansa sa ibaba 60 porsiyento o ang pandaigdigang pamantayan, mula sa 63.5 porsiyento noong Marso. RNT