Utang sa sahod ng halos 10K OFWs, babayaran ng Prinsipe ng KSA

Utang sa sahod ng halos 10K OFWs, babayaran ng Prinsipe ng KSA

November 19, 2022 @ 9:18 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Babayaran ng Prinsipe ng Kingdom of Saudi Arabia  ang utang sa sahod ng nasa 10,000 overseas Filipinos workers na naapektuhan ng pagsasara ng pinapasukan ng mga itong kompanya nang magkaroon ng krisis sa kanilang bansa noong 2015 at 2016.

Sa katunayan, nangako si Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa kanilang bilateral meeting sa sidelines ng idinaraos na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Bangkok, Thailand na babayaran ng KSA ang nasabing utang.

Si Bin Salman kasi ang tumatayo ring punong ministro ng Saudi Arabia.

“Napakagandang balita talaga. At pinaghandaan talaga tayo ni Crown Prince. Kaya’t sabi niya ‘yung desisyon na ‘yan ay nangyari lamang noong nakaraang ilang araw at dahil nga magkikita kami at sabi niya ito ‘yung regalo ko para sa inyo,” ang pahayag ni  Pangulong Marcos sa naging anunsyo ng Saudi Arabia.

Sa kabilang dako,  sinabi naman ng Department of Migrant Workers (DMW) na ang nasabing  pangako ng KSA ay pambayad sa mga OFWs na hindi nabayaran ng kanilang mga sahod nang magdeklara ng bankruptcy ang kanilang mga kompanya noong 2015 at 2016.

“The Crown Prince, His Royal Highness, announced and said that this was his gift — he really prepared for this and this was an agreement reached by the Saudi government just a few days ago,” wika ni DMW Secretary Susan Ople.

Sa ulat, tinatayang nasa P4.6 bilyon umano ang sahod ng mahigit 9,000 OFWs na dapat bayaran ng Saudi Arabia.

Sinasabing ang hindi nababayarang backwages ng mga OFWs ang isa sa mga dahilan kaya nagpatupad ng deployment ban ng OFWs sa KSA.

Subalit, nitong lamang Setyembre 2022,  inanunsyo ni Ople na aalisin na ang deployment ban at maaari nang magpadala muli ng mga manggagawang Pinoy sa naturang bansa simula ngayong Nobyembre. Kris Jose