Vaccine card kailangan sa sementeryo sa Dumaguete

Vaccine card kailangan sa sementeryo sa Dumaguete

October 27, 2022 @ 11:31 AM 1 month ago


DUMAGUETE CITY – PINAALALAHANAN ng Dumaguete City-PNP ang publiko na dadalaw sa kanilang mga mahal na sumakabilang-buhay sa darating na Undas na huwag kalimutan magdala ng kanilang vaccination card para sa makapasok sa anim na pampubliko at pribadong sementeryo sa lungsod.

Ayon kay Lt. Col. Joeson Parallag, hepe ng Dumaguete City Police Station, simula Nobyembre 1 at 2, hindi pinapayagang makapasok ang sinuman sa sementeryo maliban kung makapagpakita sila ng Covid-19 vaccination card.

“Ginagamit namin ang no vax card, no entry policy sa panahon ng pagdiriwang ng ‘Undas’ (All Saints’ Day and All Souls’ Day) upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang pagkalat ng Covid-19,” ani Parallag.

Ang mga sementeryo ay papayagang magbukas lamang hanggang 8 p.m. at hindi pahihintulutan ang magdamag na pamamalagi gaya ng dati nang ginagawa.

Idinagdag pa ni Parallag na ang mga opisyal ng pulisya ay kasalukuyang naka-deploy upang matiyak ang patuloy na aktibidad ng Buglasan Festival, na magtatapos sa Oktubre 30, at magtatagal hanggang Nobyembre 3.

Bukod sa sementeryo itatalaga rin ang mga pulis sa mga matataong lugar gaya ng mga simbahan, bus terminal, daungan at paliparan na inaasahang dagsa ang mga taong umuuwi sa kani-kanilang pamilya na nagbibigay ng respeto sa mga kaanak nilang sumakabilang-buhay.

Ipinagbabawal din sa loob ng mga sementeryo ang mga inuming nakalalasing, matatalas at nakamamatay na armas at malakas na musika.

Magtatayo rin ng mga police assistance desk sa mga strategic na lokasyon at sa mga sementeryo, habang ang Traffic Management Office ng lungsod ay mayroon traffic plan para sa mga ruta ng pagpasok at paglabas sa panahon ng Undas./Mary Anne Sapico