VALENZUELA CITY ITINODO ANG LABAN SA COVID-19

VALENZUELA CITY ITINODO ANG LABAN SA COVID-19

September 16, 2020 @ 12:15 AM 7 days ago

  •  
  •  
  •  

TALAGANG ayaw magpakampante ng Valenzuela City sa laban nito kontra COVID-19 at sunod-sunod ang pagpapatupad nito ng mga inisyatibong mas magpapaigting sa mga hakbang nito upang tuluyang wakasan ang hawaan ng nasabing sakit sa syudad.

Nangunguna na rito ang pagpapatayo ng Valenzuela LGU, sa pangunguna ni Mayor Rex Gatchalian, ng molecular laboratory na may kakayahang magsagawa ng PCR test para sa 270 samples bawat araw na inaasahang lubos na makatutulong sa patuloy na mass testing sa lugar.

Magandang balita nga na nitong nakaraang Sabado lamang ay nakapasa na ang Valenzuela Hope Molecular Laboratory sa proficiency test na isinagawa ng RITM na siyang pinakahuling yugto ng accreditation process at dahil nga rito ay makapagsisimula na sa operasyon ang laboratory.

Nitong nakaraang Sabado rin ay inilunsad ng Valenzuela City ang contact tracing application nitong tinawag na ValTrace App na gamit lamang ang QR code ay hindi na kailangan pang magsulat sa contact tracing form sa kahit anong establisimyento sa lungsod na talaga namang makapipigil sa hawaan ng sakit na maaaring makuha mula sa pasahan ng papel at panulat.

Ipinagtitibay sa bisa ng City Ordinance No. 783 Series of 2020, bawas-hassle din ang contact tracing app na ito na hindi na kailangan pang paulit-ulit na magsulat nang manual sa isang form tuwing may papasukang grocery store, klinika, mall at alinmang kahalintulad na indoor establishment.

Matatandaan namang nitong nakaraang buwan lamang ay binuksan ng Valenzuela City ang Mega Contact Tracing Center na may 24/7 operation at pinatatakbo ng mga taong trained and competent pagdating sa paghawak ng mga katanungan at pangangasiwa sa kaso ng COVID-19 patients.

Sa tulong ng contact tracing center na ito ay nabibigyan din ng payong medikal ang mga mamamayang may katanungan tungkol sa COVID-19 at kung may pangangailangan na puntahan ang pasyente ay agad nagtutungo ang COVID medical team sa tahanan nito.

Sinigurado rin ni Mayor Rex na karamihan sa mga empleyado ng contact tracing center ay may medical background upang mabilis na matugunan ang pangangailangang medikal ng mga sumasangguni sa kanila.

Sa kabila ng mga ito ay patuloy rin ang pagpapagawa ng quarantine facilities sa lungsod upang masigurado na maihihiwalay ang COVID-19 patient sa kanyang pamilya at maiwasan ang hawaan sa loob ng tahanan.

Noong nakaraang Linggo ay pormal na ngang nai-turnover ang pasilidad na ginawa ng DPWH sa Brgy. Arkong Bato na nagtataglay ng 44 na kwarto.

Ito ay karagdagang bilang sa kasalukuyang 1,000-bed capacity ng isolation facilities sa buong Valenzuela City.

Walang-awat ang Valenzuela LGU sa patuloy na pag-iisip at pagpapatupad ng iba’t ibang alituntuning makapagpapalakas sa laban nito kontra COVID-19 kung kaya’t talagang napakaswerte ng mga residente rito dahil ramdam na ramdam ngayon ang tunay na malasakit ng lokal na pamahalaan sa gitna ng krisis na kinahaharap ng bansa ngayon.


  •  
  •  
  •  

Loading...