Validity ng birth, death, marriage certificates permanente na

Validity ng birth, death, marriage certificates permanente na

August 3, 2022 @ 8:38 AM 1 week ago


MANILA, Philippines- Permanente na ang validity ng birth, death, at marriage certificates na inisyu ng Philippine Statistics Authority (PSA) at ng predecessor nito na National Statistics Office (NSO) ano pa man ang date of issuance nito.

Sa transmittal letter kay Senate President Juan Miguel Zubiri nitong Lunes, sinabi ni Executive Secretary Vic Rodriguez na nag-lapse into law nitong Hulyo 28 ang batas na naglalayon ng permanent validity ng mga dokumento.

Nakatakda itong maging Republic Act No. 11909, na opisyal na naggagawad ng permanent validity ng birth, death, at marriage certificates.

“Ang panalo dito ay ang bawat Pilipino, na hindi kailangan gumastos pa nang paulit-ulit para sa mga certificates dahil ang mga hawak at nabayaran na nila ay di na mawawalan ng bisa,” pahayag ni Sen. Bong Revilla, isponsor ng batas.

Itinatakda ng batas na ang birth, death, at marriage certificates ay maging permanently valid hangga’t ito ay “intact, readable and still visibly contains the authenticity and security features.”

Nakasaad din sa bagong batas na kinakailangang kilalanin at tanggapin ang tatlong sertipiko sa lahat ng government at private offices, na nagre-require ng pagsusumite ng mga dokumento bilang roof of identity at legal status.

Bago ito maisabatas, nire-require ng government at private offices ang indibidwal na magpakita ng kahit alin sa tatlong dokumento na kinuha anim na buwan bago isumite.

Sinabi ng PSA sa naunang Senate hearing na karamihan sa mga opisina ay nagpapatupad ng six-month validity requirement para sa pagsusumite ng tatlong sertipiko dahil sa pabago-bagong kulay ng security paper.

Sinumang lalabag sa batas na ito ay posibleng makulong mula isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan, at pagmumultahin ng hindi bababa sa 5,000 at P10,000  o pareho. Ang mga empleyado naman ng pamahalaan na hindi susunod sa batas ay pansamantalang madidiskwalipika sa posisyon. RNT/SA