Validity ng special permit sa prov’l buses pinalawig ng LTFRB

Validity ng special permit sa prov’l buses pinalawig ng LTFRB

January 4, 2023 @ 6:25 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinalawig pa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang validity ng special permit sa mga karagdagang provincial bus units mula Enero 3 patungong Enero 15.

Ito ang inanunsyo ni LTFRB technical division head Joel Bolano nitong Miyerkules, Enero 4 kasabay ng public briefing kung saan napansin nila sa mga nagdaang holiday season na late nang umuuwi sa kanilang mga tahanan mula sa probinsya ang ilang mga biyahero.

“Minabuti po ng LTFRB para hindi magka-problema o magka-kulang sa provincial buses, minabuti po ng LTFRB na i-extend po ito hanggang January 15 para ma-accommodate pa yung late na pong babalik o uuwi sa kani-kanilang mga probinsya,” aniya.

Noong Disyembre, nagbigay ang LTFRB ng special permit sa 639 karagdagang provincial buses na bibiyahen upang tugunan ang pangangailangan ng mga pasahero ng masasakyan sa holiday season.

Ayon kay Bolano, handang magbigay ng mas maraming special permit ang LTFRB kung kakailanganin. RNT/JGC