‘Value chain’ aayusin ni PBBM para makatugon sa agri problems

‘Value chain’ aayusin ni PBBM para makatugon sa agri problems

July 25, 2022 @ 6:48 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes na kinakailangang ayusin ang value chain upang makatugon short-term at long-term problems sa sektor ng agrikultura.

Sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA), inamin ni Marcos, na nanunungkulan din bilang Agriculture chief, na tinamaan ang bansa ng kabilaang mga problema pagdating sa suplay ng pagkain.

“Ang mga suliraning agarang mararamdaman ng ating mga kababayan ay ang posibilidad ng tuloy-tuloy na pagsipa ng presyo ng pagkain at kakulangan sa suplay ng ating pagkain,” sabi ni Marcos.

“Para sa pang-matagalang solusyon, itataas natin ang produksyon ng mga kalakal at produktong pang-agrikultura.  At para magawa ito, pagtitibayin natin ang tinatawag na value chain na nagsisimula sa mga magsasaka hanggang sa namimili,” dagdag niya.

Isinusulong din ni Marcos ang farm-to-market road masterplan.

Iginiit ng Pangulo na ang FMR masterplan ay magsisilbing gabay sa pamahalaan sa pagsusulong ng food security.

Inihayag din niya ang intensyon na dagdagan ang produksyon ng pagkain at babaan ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Upang masuportahan ang mga mamimili para mapanatili ang kanilang purchasing power or kapangyarihan sa pagbili, isinapinal ng Department of Agriculture ang planong taasan ang produksyon sa susunod na panahon ng pagtatanim o planting season, sa pamamagitan ng tulong pinansiyal at teknikal,” sabi niya.

“Magbibigay tayo ng pautang, habang mas ilalapit natin sa sektor ng agrikultura ang hindi gaanong mahal na farm inputs na bibilhin na ng bulto ng gobyerno,” dagdag pa ni Marcos.

“Kabilang dito ang abono, pestisidyo, mga punla, feeds, fuel subsidy at ayuda para sa mga karapat-dapat na benipisyaryo.” RNT/SA