VAPE BILL, DAPAT I-VETO NI DIGONG

VAPE BILL, DAPAT I-VETO NI DIGONG

January 25, 2022 @ 7:42 AM 8 months ago


Ipinave-veto ng iba’t ibang grupo ng mga doktor at medical professionals kay Pangulong Duterte ang Vape Bill o ang panukala tungkol sa importasyon, regulasyon, manufacturing, pagbenta, at packaging ng vaporized nicotine and non-nicotine products.

Lumusot ito sa Bicameral conference committee at nakatakda nang ipadala sa Malacanang kapag tapos nang ratipikahan. Napaka-bad timing ng Vape Bill kung tutuusin dahil nasa gitna pa tayo ng pandemya. Dapat sana ay inuuna ang mga mas importanteng batas para sa kapakanan ng taong bayan.

Umaabot na sa 59 medical associations ang nananawagan kay Pangulong Duterte na ibasura ang Vape Bill, ayon pa sa public health expert.

Ayon nga kay UP College of Medicine professor Doctor Tony Dans, malaking banta sa public health ang Vape Bill, dahil hihikayatin nito na malulong sa vapes o e-cigarettes ang mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan.

Kabilang sa mga tumututolo sina Doctor Benito Atienza, pangulo ng Philippine Medical Association; Doctora Maricar Limpin, pangulo ng Philippine College of Physicians; at Doctor Yul Dorotheo, executive director ng Southeast Asia Tobacco Control Alliance.

Maging si dating Speaker Alan Peter Cayetano ay nag-aalburoto na rin sa pagmamadali ng Kongreso at Senado na isabatas ang Vape Bill samantalang dapat aniya ay inuuna ang mga usapin tungkol sa buhay at kabuhayan lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Ang tanong nga ni Cayetano, bakit inuuna ng Kongreso na isabatas ang mga panukala na maitutuing na habit forming kaysa sa mas maigting sanang pagtugon ng gobyerno sa kaliwa’t kanang problemang dulot ng COVID-19.

Hindi rin naitago ni Senator Pia Cayetano ang kanyang pagkadismaya sa pagpasa  ng Vape Bill dahil bumoto siya ng “NO’’ nang ipasa ng Senado ang Vape Bill noong nakaraang Disyembre.  Partikular na inirereklamo ni Senator Pia ay ang pagbalewala sa papel ng Food and Drugs Administration o FDA sa pagbusisi at pag-apruba ng vape products.

Sa ilalim ng Vape Bill, ang Department Of Trade and Industry o DTI ay kukunsultahin na lang ang FDA tungkol sa pagkakaroon ng teknikal standards ng e-cigarettes. Hirit ni dating Speaker Alan, tayo lang sa buong mundo na sa DTI at hindi sa FDA inilagay ang regulation ng e-cigarettes.

Iginiit naman ni Dra. Philina Pablo-Villamor, head pulmonologist sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu, baga rin ang pangunahing pinupuntirya ng COVID-19, kaya mas malaki rin ang tsansa ng vape users na mahawa sa gitna ng panibagong surge.

Paalala naman ng pediatric pulmonologist na si Dra. Corry Avanceña, makakaapekto ang sari-saring kemikal na laman ng vape juice sa full brain maturity ng kabataan kung sila’y malululong sa vapes sa maagang edad.

Babala ng mga doktor, babaligtarin ng Vape Bill ang mahigpit na regulasyon ng gobyerno sa vapes sa ilalim ng Sin Tax Law, na pinangunahang ipasa ni Sen. Pia Cayetano noong taong 2020. Ibababa ng Vape Bill ang ‘age of access’ sa vapes sa 18 mula sa 21 years old at papayagan din nitong padamihin ang flavors ng e-cigarettes para hikayatin ang kabataan na tangkilikin ito.

Hay buhay, kung ano-ano na lang ang inuuna ng ating mga mambabatas. Sa halip na ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience at iba pang panukala tungkol sa mas maigting na COVID-19 response ay mas inuna pa ng mga ito ang Vape Bill na maari ring maging ugat ng pagkalulong ng mga kabataan sa naturang produkto.##