Vape bill tinulugan ng Malakanyang, ganap nang batas

Vape bill tinulugan ng Malakanyang, ganap nang batas

July 26, 2022 @ 1:55 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na nag-lapsed into law o naging ganap na batas na ang kontrobersiyal na vape bill.

Hindi kasi pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nasabing panukalang batas.

Ang isang panukalang batas na hindi tinintahan ng Pangulo makaraan ang 30 days of receipt ay awtomatikong nagiging batas.

Nitong nakaraang Linggo, Hulyo 24, ang ika-30 araw mula nang maipadala sa Malacañang ang panukala at sa petsang ito nakatakdang mag-lapse bilang batas ang Vape bill.

Sinasabing sa ilalim ng Vape Law o Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act, ire-regulate nito ang importation, manufacture, sale packaging, distribution, use and communication ng vaporized nicotine at non-nicotine products pati na ang novel tobacco products.

Sa ulat, nanawagan kamakailan sina Senator Alan Peter Cayetano, Senator Pia Cayetano at ilang health experts kay Pangulong Marcos, Jr. na i-veto na ang Vape bill.

Sa isang pulong balitaan, muling pinunto ng mga doktor at health experts ang mga mali sa Vape Bil

Kabilang dito ang pagpapasa sa Department of Trade and Industry (DTI) ng otoridad na i-regulate ang mga vape at e-cigarette mula sa pangangasiwa ngayon ng Food and Drug Administration (FDA); pagpapahintulot ng pagkakaroon ng iba’t ibang flavors ng vape at ang pagpapababa ng edad na maaaring magkaroon ng access sa vapes at e-cigarette sa 18 years old mula sa kasalukuyang 21 years old na minimum age.

Nagpadala naman ng liham si Senator Pia kay PBBM, para pormal na iapela ang panawagan nilang huwag pirmahan bilang isang ganap na batas ang Vape Bill.

Handa rin aniya ang senator na personal na ipahayag kay Pangulong Marcos ang kanilang paninindigan, sakaling ipatawag siya ng punong ehekutibo sa isang pagpupulong.

Umaasa rin ang grupo na maririnig rin nila sa magiging unang State of the Nation Address (SONA) ni PBBM ang pag-veto ng Vape Bill.

Matatandaan noong 18th Congress naipasa ang Vape bill, pero hindi ito napirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Kris Jose