Vape law ikinalungkot ng DOH

Vape law ikinalungkot ng DOH

July 27, 2022 @ 9:47 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagpahayag ng kalungkutan ang Department of Health (DOH) nitong Martes na isa nang batas ang kontrobersyal na vape bill gayunman nangako ang ahensya na patuloy na babalaan ang mga Pilipino tungkol sa masamang epekto ng vape at tobacco products.

Kahapon ay kinumpirma ng Malacañang na naging batas na ang vape bill. Nagbibigay ito ng mga regulasyon sa pag-aangkat, paggawa, pagbebenta, packaging, pamamahagi, paggamit, at komunikasyon ng mga produktong vape at novel tobacco products.

“Well, nakakalungkot ano na naglapse into law. Pero kami ay tuloy tuloy pa rin sa Kagawaran ng Kalusugan para iparating sa ating mga kababayan ang masamang dulot ng vape at saka ‘yung mga tobacco products natin,” sabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa panayam ng mga reporters

“So titignan natin kung ano pa ang pwede nating gawin for this next Congress para maisulong pa natin ulit ang batas na ito,” ayon kay Vergeire.

Tinutulan ng DOH ang batas na nagpapababa sa edad ng maaring maka-access o gumamit ng vape at e-cigarette products mula 21 taong gulang hanggang 18.

Sinabi ng DOH na ang panukala ay taliwas sa mga layunin ng kalusugan ng publiko na protektahan ang mga Pilipino lalo na ang mga kabataan mula sa masasamang epekto ng usok at mga emisyon mula sa mga produktong tabako, mga produktong singaw, at mga produktong pinainit na tabako.

Ang mga manufacturers, distributor, importer, at nagbebenta ay bibigyan ng 18-buwang pansamantalang panahon mula sa pagpapalabas ng mga implementing rules and regulation upang sumunod sa mga kinakailangan ng panukalang ito.

Kabilang dito ang pagpaparehistro ng mga produktong vape sa Department of Trade and Industry. Jocelyn Tabangcura-Domenden