Vapers Alliance: Vape bill ‘wag i-veto

Vapers Alliance: Vape bill ‘wag i-veto

May 7, 2022 @ 4:24 PM 2 months ago


Manila, Philippines – Muling nangalampag ang may milyong miyembro ng Vapers Alliance sa Department of Health na maging patas at huwag namang irekomenda na ito ay tuluyan nang i-veto o ibasura ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos na maratipikahan ng Kongreso.

Sa isang press conference sa Quezon City Circle, umapela si Fernando Rodrigo, Jr., pangulo ng nabanggit na alyansa kay Health Secretary Francisco Duque na bigyan ng pagkakataong lumago ang Electronic Nicotine Delivery System Industry at mailatag ang mga alternatibo para sa mga naninigarilyo sa mas ligtas na pamamaraan.

“We strive to save the millions of smokers in the country by offering an alternative that is proven to be 95 percent less harmful that traditional cigarettes,” ani Rodrigo.

Bagama’t ang paggamit ng vape o electronic cigarette ay naisama sa regulasyong nakapaloob sa Republic Act 11467 o sin tax, ito ay limitado lamang sa dalawang flavor – ang plain tobacco at plain menthol at ang tanging papayagang makabili nito sa merkado ay yaong may edad 21 taong gulang pataas.

“This ban on flavors only reduces the chance of a moker to try a less harmful altrnative and with the only existing flavors having the same flavors as traditional cigarettes-may just get them back to smoking.”

Nangangamba ang alyansa na kapag nai-veto ni Pangulong Duterte ang Vape Bill ay malulusaw ang maliliit na negosyo na kaugnay ng industriyang nabanggit na labis na naapektuhan ng pandemya at kasalukuyan pa lamang na bumabangon.

Tinatayang nasa bilyong piso ang vape industry at marami umano ang umaasang mga pamilya mula rito at naniniwala ang samahan na maililigtas ag may 16 na milyong naninigarilyo ngunit hindi ito pangungumbinsi para sa mga hindi naninigarilyo.

“The devastating effects of the recent pandemic has crippled livelihood of all the people not only in our country, but the whole world.  We believe that this is a time to rebuild and strengthen home grown entrepreneurs, especially the Micro Small and Medium Enterprises,” giit pa ni Rodrigo. Meliza Maluntag