Vargas, kumpiyansa sa investments, trabaho bunga ng Japan state visit ni PBBM

Vargas, kumpiyansa sa investments, trabaho bunga ng Japan state visit ni PBBM

February 11, 2023 @ 11:53 AM 1 month ago


KUMPIYANSA si dating Congressman at kasalukuyang Quezon City Councilor Alfred Vargas na magdadala ng maraming foreign investments at trabaho at mas matibay na samahan ang first official visit ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Japan ngayong linggo.

Ayon kay Vargas, sa unang araw pa lang ng pagbisita ng Pangulo, nakakuha na siya ng commitment sa ilang kompanya sa Japan para magpasok ng investments sa bansa. Tiyak si Vargas na magdadagdag ang mga ito ng mga trabaho, lalo na para sa skilled workers.

“Ito ay isang testamento sa work ethic ng ating mahal na Pangulo at sa kanyang pag-pupursiging i-promote ang Pilipinas. Naipapahayag niyang ready tayo for business. The Philippines is ready for Japan and the rest of the world,” pahayag ni Vargas.

Sinabi ni Vargas, ang economic opportunities mula sa state visits ng Pangulo ay nangangahulugan din ng mas maayos at mas resilient na imprastraktura, kaalaman sa disaster preparedness, digital transformation, at mas malalim na bilateral relations sa aspeto ng seguridad.

“Malayo pa tayo sa kumpletong recovery mula sa pinsalang dulot ng pandemya. Mapapabilis ito kung tayo ay nagtutulungan. Hindi tayo nag-iisa. Napaaabot ng foreign trips ng Pangulong kaibigan tayong maaasahan at dahil dito’y maraming pintuan ang nagbubukas para sa ating mga Pilipino,” sabi ni Vargas.

Binigyang-diin din ng dating House Committee on Social Services Chair na magiging mahalaga ang papel ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa state visit.

Ayon kay Vargas, pinapakita nitong magkaisa ang buong administrasyon sa pagbibigay ng prayoridad sa mga panukalang batas na kailangan para sa bilateral partnerships.

“Nagpapasalamat ako sa ating mahal na Pangulo at Speaker sa pagsusumikap nilang maiangat ang imahe ng ating bayan sa international stage. Mas maraming trabaho ang kapalit nito. Maiaangat natin ang kabuhayan ng napakarami,” saad ni Vargas. Santi Celario