VAT exemptions sa ilang pagkain iginiit sa Kamara

VAT exemptions sa ilang pagkain iginiit sa Kamara

October 13, 2022 @ 10:38 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Isang panukalang batas na naglalayong bigyan ng exemptions sa 12 percent Value Added Tax (VAT) ang ilang pangunahing pagkain ang inihain ng Makabayan Bloc sa House of Representatives.

Layon ng House Bill No 5504 na inihain nina Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party, Rep. Raoul Manuel ng Kabataan at Rep. France Castro ng Alliance of Concerned Teachers na bigyan ng exemptions mula sa VAT ang mga basic commodities gaya ng tinapay, asukal at mantika at iba pa.

Sa oras na maisabatas ay aamyendan nito ang Tax Reform Act of 1997.

Ipinaliwanag ni Brosas na sa pagpalo ng inflation rate sa 6.9 % ay talagang hirap na ang publiko sa mataas na presyo ng bilihin kaya naman napapanahon na magkaroon ng VAT exemptions sa ilang pagkain.

“Removing the 12% VAT on basic goods consumed by poor families on a regular basis will dramatically ease their economic suffering amid skyrocketing prices, massive joblessness, and depressed wages,” pahayag nito.

Sinabi ni Brosas na ilan sa produkto na nais nilang ilibre sa VAT ay ang tinapay, canned pork, beef, fish, marine products; instant noodles; biscuit; sugar (raw and refined); cooking oil; salt; laundry soap; detergents; firewood; charcoal; kandila at ilang gamot na itatakda ng Department of Health.

Aniya, lubhang malaki ang matitipid kung mawawala ang VAT sa ilang pagkain, inihalimbawa nito ang P100 na asukal na kung aalisin ang VAT ay mababawasan ng P12.

“Instead of asking consumers to control their purchases, it is the government’s responsibility to provide concrete solutions to address high prices. This should be the priority instead of pushing proposals that have nothing to do with the hunger pangs of the poor,” giit pa nito.

Aminado si Brosas na mababawasan ang kita ng gobyerno kapag nagpataw ng VAT exemptions subalit ang mawawalang kita ay maaaring habulin sa mga malalaking negosyo at pagpapataw ng buwis sa mga mayayaman.

Una nang naghain ng panukala ang Makabayan Bloc na nagsusulong na patawan ng 1% tax ang mga kumikita ng P1-bilyon, 2 % kung P2-bilyon at 3 % kung ang kita ay P3-bilyon.

Kung nasa 50 pinakamayayamang Pinoy ay papatawan ng buwis ay nasa P236.7-bilyon agad ang kikitain ng gobyerno. Gail Mendoza