VAT Refund Program sa dayuhang turista, suportado ng Senado

VAT Refund Program sa dayuhang turista, suportado ng Senado

January 30, 2023 @ 2:18 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinuportahan ni Senador Nancy Binay ang VAT Refund Program ng administrasyon sa dayuhang turista na makabubuti sa pagbabangon ng industriya ng turismo sa bansa na nalugmok sanhi ng pandemya.

Sa pahayag, sinabi ni Binay, chairman ng Senate committee on tourism na malaki ang maitutulong ng VAT Refund Program upang tulungang sumikad ang industriya ng turismo at maging alternativong shopping destination ang bansa.

“We welcome the President’s move to help kickstart the tourism industry by offering VAT refunds to foreign tourists. It would be nice to see the Philippines as an alternative shopping destination and showcase our premium local brands,” ayon kay Binay.

Sinabi pa niya na mas makabubuting magbigay ang bansa ng maayos na karanasan at pagaanin ang pagbibiyahe at pamimili sa bansa.

“Gusto rin natin that our tourists have a pleasant experience and the ease of traveling and shopping in the Philippines, that’s why it would also be a good thing if the DOF could walk us through its implementation in retail shops, department stores, in ports and airports,” giit niya.

Kasabay nito, hiniling din ni Binay sa Department of Finance na magsumite ng datos hinggil sa programa kabilang ang administrative costs sa implementasyon ng program.

“Parang first time yata itong VAT refund program sa atin. Maganda kung makakapag-present ang DOF ng numero at data kung magkano ang aabuting administrative costs sa implementation nito, ilang percent ang mababawas sa collection natin, at ano ang impact at benefits sa small- and medium-scale retailers sa industriya ng turismo,” aniya.

“Dagdagan din natin siguro ng incentives yung mga local enterprises and entrepreneurs who promote truly ‘Gawang-Pinoy’ items kesa dun sa mga stores na nagbebenta ng imported or foreign-manufactured products. Sa tingin ko, ‘yung complement ng VAT refund program should be more towards this direction,” ayon kay Binay. Ernie Reyes