Vax card, negative RT-PCR o antigen test, ‘di kailangan bago makaboto

Vax card, negative RT-PCR o antigen test, ‘di kailangan bago makaboto

May 2, 2022 @ 3:09 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na hindi mandatory para sa mga botante na magpakita ng COVID-19 vaccination card at negatibong resulta ng RT-PCR o antigen test bago makaboto sa May 9, 2022.

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, walang ibang kailangang dalhin ang mga botante kundi face mask, maski face shield ay hindi rin required.

Gayunpaman, pinayuhan ni Garcia ang mga botante na agad umuwi at huwag magpagala-gala sa polling center o sa mga eskwelahan pagkatapos na bumoto.

“‘Wag ninyo pong i-underestimate ‘yung protocol ng Comelec. Syempre po maghihigpit ngayon ang Comelec at baka after ninyong bumoto ay kayo ay palalabasin na para kayo’y makauwi na. Hindi na kayo pwedeng magpatambay tambay sa loob at magkwentuhan kung sino ang pinagboboboto ninyo at hindi ninyo binoto,” dagdag niya.

Muli ring nilinaw ni Garcia na makakaboto pa rin ang mga mayroong COVID-19 at maglalaan ang poll body ng mga isolation polling places para sa mga makikitaan ng sintomas ng sakit sa araw ng halalan.

Samantala, nagpaalala rin si Garcia na bagama’t hindi ipinagbabawal ang mobile phones sa loob ng mga polling precinct, ay hinihikayat naman ang mga botante na huwag itong gamitin dahil maaari silang sitahin at ireklamo ng mga election watchdog. RNT/ JCM