Vax Institute, CDC ng Pinas, ihihirit ng DOH sa sunod na admin

Vax Institute, CDC ng Pinas, ihihirit ng DOH sa sunod na admin

May 11, 2022 @ 10:40 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Ieendorso ng Department of Health (DOH) sa susunod na administrasyon ang mga istratehiya sa pagpapatupad ng Universal Health Care Act at ang pagtatatag ng Vaccine Institute of the Philippines at Centers for Disease Control (CDC).

Sa isang online media forum nitong Martes, sinabi ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire na isusulong ng DOH ang mga tamang pamamaraan na dapat sundin sa “transitioning from the pandemic to the new normal”.

Dahil ang DOH ay nagplano at nagpapaalam sa publiko na “mabuhay kasama ang virus”, sinabi ni Vergeire na hikayatin ng ahensya ang halal na Pangulo na ipagpatuloy ang programa sa pagbabakuna sa Covid-19 at ang pagpapatupad ng pinakamababang pamantayan sa kalusugan ng publiko.

Nakikita rin ng DOH ang mahalagang papel ng isang CDC sa layunin ng bansa na makaalis sa pandemya at matiyak ang pangangalagang pangkalusugan para sa lahat.

“Andiyan po ang Centers for Disease Control bill na pinapasa sa Senado sa Kongreso kung saan diyan po mare-restructure ang ating health care system. ang ating DOH na magkaroon tayo ng isang institusyon kung saan dito na tayo magre-rely pagdating sa mga pandemya, pagdating sa infectious disease, pagdating dito sa ating bansa at pagdating sa ating pagre-research and data surveillance,” ani Vergeire.

Ang Senate Bill No. 2505 o ang Philippine Centers for Disease Control and Prevention Act ay magtatatag ng Centers for Health Statistics, Surveillance and Epidemiology, Health Evidence, at Reference Laboratories sa ilalim ng DOH.

Isang counterpart bill sa House of Representatives ang inaprubahan noong Hulyo 2021.

Sinabi ni Vergeire na ang COVID-19 pandemic ay nagbigay-diin sa pangangailangan ng bansa para sa isang institusyon ng bakuna na magsusulong ng proteksyon laban sa mga nakakahawang sakit at pandemya.

“The National Health Security Act kung saan nandiyan po, it will link with the CDC for us to be more resilient during this time na nagkakaroon tayo ng krisis sa ating bansa,” dagdag pa ng opisyal. RNT