Vax sites sa Pasay sarado sa Mahal na Araw

Vax sites sa Pasay sarado sa Mahal na Araw

April 12, 2022 @ 1:10 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Inianunsyo ng lokal na pamahalaan ng Pasay na ang lahat ng vaccination sites sa lungsod ay mananatiling sarado mula Abril 13 hanggang 15 para sa paggunita ng Mahal na Araw.

Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang pagbibigay ng bakuna at booster shots sa SM Mall of Asia (MOA) Giga Site 1 ay mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 3:00 lamang ng hapon ng Abril 12.

Ayon kay Calixto-Rubiano, bukod sa MOA Giga Site 1 ya patuloy rin ang pagbibigay ng booster shots sa 13 health centers sa lungsod na kinabibilangan ng Kalayaan, Malibay, San Pablo, Doña Nena, MIA, M. Dela Cruz, Lagrosa, Cuyegkeng, Villamor Airbase, San Roque, Leveriza, Doña Martha at ng San Isidro health center.

Pinayuhan ni Calixto-Rubiano ang mga residente na bumisita na lamang sa pinakamalapit na health center sa kanilang lugar upang malaman ang oras at araw ng kanilang iskedyul ng pagtuturok ng booster shot.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Calixto-Rubiano na ang SM MOA Giga I vaccination site ay nagtuturok ng una at ikalawang ng bakuna para sa mga senior citizens (A2); adult with comorbidities (A3); persons with disability (PWDs), essential workers (A4), gayundin agn mga napapabilang sa indigent population (A5) at kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang.

Makatatanggap ng AstraZeneca at Moderna vaccines ang mga magpapabakuna na napapabilang sa kategorya ng A2 hanggang A5 habang ang kategorya naman ng nasa 12 hanggang 17 taong gulang ay matuturukan naman ng Pfizer vaccines.

Tatanggap din dito ng mga walk-ins sa buong araw habang ang baksinasyon naman sa mga tsikiting na nasa edad 5 hanggang 11 taong gulang na walang comorbidities ay ginaganap sa SM MOA Giga Site 2. James I. Catapusan