Velasco caretaker ng Antipolo 2nd district

Velasco caretaker ng Antipolo 2nd district

June 3, 2021 @ 5:24 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Inihalal ng mga kongresista bilang caretaker ng ikalawang distrito ng Antipolo si House Speaker Lord Allan Velasco.

Ginawa ito bago ang sine die adjournment bilang kahalili ng yumaong kongresista na si Antipolo City Rep. Resurreccion Acop.

Nilinaw ni Deputy Majority Leader Xavier Jesus Romualdo na ang pagpili kay Speaker bilang caretaker ng 2nd district ng Antipolo ay bunsod na rin ng hiling ng pamilyang Acop at ng mga constituents.

Pumanaw si Acop sa edad na 74 taong gulang matapos na magkaroon ng kumplikasyon dahil sa sakit na COVID-19.

April 8 nang makumpirmang positibo ito sa COVID-19 pati ang asawang si dating Cong. Romeo Acop kung saan ilang linggo ring nanatili sa COVID ICU ang yumaong kongresista.

Bago ang sine die adjourment ang ikalawang Regular na Sesyon ng 18th Congress ay nagpasa ng mga panukalang batas sa pangunguna ni Speaker Velasco  na mag-aahon sa sambayanang Pilipino sa kahirapan, mula sa pananalasang idinulot ng pandemya ng COVID-19 kabilang dito ang Bayanihan 3 o ang Bayanihan to Arise as One Act.

Muling babalik ang mga mambabatas sa  ika-26 ng Hulyo sa pagbubukas ng Ikatlong Regular na Sesyon, at sa pang-huling State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“Sa kapakanan ng ating sambayanan na parating nasa sa ating isipan, hindi naging balakid ang kasalukuyang krisis pangkalusugan upang gampanan natin ang ating mga tungkulin,” sinabi ni Velasco.

Hanggang ika-1 ng Hunyo, ang Kamara  ay nakapagsabatas na ng 91 lehislasyon, 56 dito ay nalagdaan na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa panahon ng panunungkulan ni Velasco bilang Speaker. Inaprubahan din sa Kapulungan ang 665 panukala sa ikatlong pagbasa at pinagtibay ang 192 resolusyon.

“Ang emergency lifeline measure na ito ay labis na kailangan at lubhang napakahalaga dahil sa simpleng dahilan na kailangan ng ating mga kababayan ang tulong,” ani Velasco. “Dahil dito, ang ating pinagsama-samang tugon para makapagpasa ng ikatlong relief package para sa ating mga kababayan ay malinaw.”

Nagpasalamat din si Speaker sa kanyang mga kapwa mambabatas, lalo na ang 251 Miyembro na bumoto pabor sa Resolution of Both Houses (RBH 2)  na naglalayong amyendahan ang mga probisyong pang-ekonomiya ng 1987 Konstitusyon at magpapahintulot sa mga susunod na Kongreso na magpasa ng mga batas, na nag-aalis sa mga kasalukuyang paghihigpit na probisyon sa mga dayuhang mamumuhunan.

“Tayo ay nasa kakaibang kalagayan bilang mga kinatawan ng ating mga nasasakupan upang hangarin sa ating mga mamamayan na hindi magtatagumpay ang ating bansa na masugpo ang COVID-19, kung hindi tayo mababakunahan,” giit pa ng speaker.

Bago nagbigay ng mensahe si Velasco ay pinangunahan nito ang pagpaparangal sa pitong mambabatas ng ika-18 Kongreso na namayapa na sina LPGMA Rep. Rodolfo Albano Jr., Benguet Rep. Nestor Fongwan, Camarines Sur Rep. Marissa Lourdes Andaya, Senior Citizens Rep. Francisco Datol Jr., Sorsogon Rep. Maria Bernardita Ramos, Cebu City Rep. Raul del Mar, at Antipolo City Rep. Resurreccion Acop.  Meliza Maluntag