Vendor malubha sa pananaksak sa Navotas

Vendor malubha sa pananaksak sa Navotas

November 3, 2022 @ 8:17 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Nasa malubhang kalagayan ang isang vendor matapos saksakin sa likod ng isang lalaki sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong saksak sa likod ang biktimang si Jayson Landicho, 42, vegetable vendor ng Brgy. Batya San Jose Del Monte, Bulacan.

Ayon kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, nakapiit na habang nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na kinilalang si Chrisante Soriano, 34, ng Blk-26, Lot-12, Ph-2, Brgy NBBS Dagat-Dagatan, Navotas City.

Sa pahayag ng saksing si Joventino Soriano, 38, electrician kay PSSg Levi G Salazar, pumaparada ng kanyang motorsiklo ang biktima sa Blk-26, Lot-12, Ph-2, Brgy NBBS Dagat-Dagatan dakong alas-7 ng gabi nang mula sa likuran ay sumulpot suspek at sa hindi malaman na dahilan ay sinaksak nito si Landicho sa likod gamit ang isang matulis na bagay.

Matapos ang pananaksak, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon subalit, agad din naman naaresto sa follow-up operation ng mga tauhan ng Sub-Station 4 at narekober sa kanya ang isang matulis na bagay na ginamit sa pananaksak.

Kaagad naman isinugod si Landicho sa nasabing pagamutan habang inaalam pa ang motibo ng suspek sa pananaksak sa biktima. Boysan Buenaventura