Vendor umiwas sa checkpoint, nahulihan ng shabu

Vendor umiwas sa checkpoint, nahulihan ng shabu

January 30, 2023 @ 1:26 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang vendor makaraang mahulihan ng hinihinalang shabu matapos umiwas sa isinasagawang checkpoint ng mga pulis sa Brgy. Unang Sigaw, Quezon City kahapon ng madaling araw, Enero 29.

Sa ulat ni PLTCOL. Mark Janis Ballesteros, hepe ng Quezon City Police District station 3 Talipapa kinilala ang mga nadakip na sina Romeo Menoria, alyas Jay-R, 38, binata, vendor, residente ng ilalim ng Tulay, Brgy. Balonbato, QC at Ricardo Hipolito, alyas Jon-Jon, 32, residente ng no. 63 Filipino Avenue, Brgy. Balonbato, QC.

Ayon kay Cpl. Neil Christian Fresco investigator nadakip ang mga suspek sa kahabaan ng East Service Road, Brgy. Unang Sigaw, QC dakong alas-5 ng madaling araw.

Nabatid kay Fresco na nagsasagawa ng police checkpoint Anti Criminality operation (Oplan Bulabog) ang mga tauhan ng QCPD station 3 Talipapa sa naturang lugar nang umiwas umano sa checkpoint ang mga dinakip habang naglalakad.

Agad sinita ng mga pulis na nagmamando ng checkpoint ang dalawa sa pangunguna ni PCapt. Jonathan Cercado team leader at ng kapkapan ang mga ito ay nakuha sa kanilang pag-iingat ang dalawang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets ng hinilang shabu na may timbang na 0.5 gram na nagkakahalaga ng P3,400.

Kaugnay nito mariin naman itinanggi ng mga suspek ang naturang droga na nakuha sa kanilang pag-iingat.

Kasalukuyan ngayon nakapiit ang mga suspek at nahaharap sa kasong illegal drugs. Santi Celario