Vendors sa Quiapo, nalulugi, inirereklamo ang BQ ni Coco!

Vendors sa Quiapo, nalulugi, inirereklamo ang BQ ni Coco!

February 27, 2023 @ 5:45 PM 3 weeks ago


Manila, Philippines – Na-address na ang reklamo ng mga kapatid nating Muslim tungkol sa pagkandili ng isa sa mga tauhang ginagampanan ni Rez Cortez sa magnanakaw played by Coco Martin sa seryeng Batang Quiapo sa ABS-CBN.

Inalmahan kasi ng mga Muslim ang pag- tolerate sa pagnanakaw na taliwas sa kanilang pananampalataya.

Humingi naman ng paumanhin ang buong produksyon ng serye.

Isang linggo matapos nito’y ang mga nagtitinda naman sa Quiapo at Divisoria ang nagpahayag ng kanilang saloobin dahil apektado raw ang pinagkukunan nila ng ikinabubuhay.

Pababa raw kasi nang pababa ang arawan nilang kita sa pagtitinda dulot ng araw-araw na taping sa mga naturang lugar.

Wala raw kasing mga taong bumibili ng kanilang mga paninda sa puwesto dahil ipinagbabawal ang mga taong dumaraan.

Panay lang din daw napapaligiran ng mga tao ang kanilang mga puwesto na nanonood lang ng taping.

Kaya ang inis na inis na tanong ng mga apektadong tindero’t tindera roon, kailan daw matatapos ang Batang Quiapo para bumalik na sa normal ang kanilang negosyo.

May mga netizen namang nagbiro na magtatagal pa ang serye ng limang araw at dalawang dekada.

May nagbiro ring aabutin ito nang sampung taon.

May mga nagsasabi ring dalawang halal na presidente ang aabutan ng serye bago matapos.

Batay ang mga birong ‘yon sa haba ng itinagal ng Ang Probinsyano na si Coco rin ang bida.

Tumagal sa ere ang TV adaptation ng naturang FPJ movie nang pitong taon.

Ayon sa mga tindero sa mga apektadong lugar sa Quiapo at Divisoria, okey lang naman daw mag-taping doon ang Batang Quiapo pero huwag naman daw gawing araw-araw.

Ironic ang scenario na ito kung tutùusin dahil imbes na lumaki ang kita ng mga tindero roon sa dami ng mga mamimili ay laking kabawasan pa ‘yon sa kanilang paghahanapbuhay. Ronnie Carrasco III