Vergeire: Bakunahan sa eskwelahan vs COVID, magpapatuloy

Vergeire: Bakunahan sa eskwelahan vs COVID, magpapatuloy

September 3, 2022 @ 11:30 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Magpapatuloy ang pagbabakuna sa COVID-19 sa mga paaralan hangga’t hindi ito isinasagawa sa loob ng mga silid-aralan na dapat gamitin lamang para sa mga layuning pang-edukasyon, sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes.

Ginawa ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire ang paglilinaw matapos ilabas ng Department of Education (DepEd) ang Order No. 037 na nagsasaad na “hindi dapat gamitin ang mga paaralan bilang quarantine at/o isolation facility o vaccination centers.”

“So binasa natin ‘yung department order ng DepEd and also we coordinated with them this morning. Nakausap natin si [DepEd] Undersecretary Epimaco Densing and we clarified that the department order specifically states that schools not be used as vaccination sites,” sabi ni Vergeire sa press briefing.

Paliwanag ng opisyal, Kung matatandaan ay ginamit ang mga eskuwelahan noon bilang quarantine at isolation facilities at vaccination sites dahil walang pasok ang mga bata.

“So this department order aims or the intention for them to remove itong paggamit sa mga eskwelahan for other things so that it can be used by the students already,” paliwanag pa ni Vergeire.

Ayon pa sa opisyal, ang mobile COVID-19 vaccination sa eskuwelahan ay magpapatuloy upangahikayat ang marami pang mag-aaral at magulang na magpabakuna laban sa viral disease.

“So hindi po titigil ang mga bakunahan sa eskwelahan, kinaklaro lang natin at kinaklaro lang din ng DepEd. Ayaw lang natin na ‘yung mismong mga silid aralan ay hindi nagagamit sa pag-aaral ng mga bata,” sabi pa ni Vergeire.

Ang DepEd ay nakikipag-ugnayan sa DOH para sa roll out ng mobile COVID-19 vaccinations at mag-organisa ng mga sesyon ng pagpapayo sa mga hindi nabakunahang mag-aaral at guro sa mga paaralan. Jocelyn Tabangcura-Domenden