Vergeire, Maguindanao officials nagpulong kasunod ng bagyong Paeng

Vergeire, Maguindanao officials nagpulong kasunod ng bagyong Paeng

November 8, 2022 @ 6:24 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nakipagpulong si Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Dr. Maria Rosario Singh-Vergeire sa mga lokal na punong ehekutibo mula sa pamahalaang panlalawigan ng Maguindanao upang tumulong na maibsan at matugunan ang mga epekto ng matinding tropikal na bagyong #PaengPH at iba pang alalahanin sa kalusugan sa lalawigan.

Kasunod ito ng mga ulat ng pagtaas ng kaso ng Food and Water-borne Disease (FWBD) at alinsunod sa kamakailang pagsa-aktibo ng Inter-Agency Committee on Environment Health (IACEH).

Sa kanilang pag-uusap, ipinakita ni Maguindanao Governor Bai Mariam Sangki-Mangudadatu ang pagsisikap ng mga lokal na isulong ang primary care sa pamamagitan ng pagbibigay ng outreach primary care gamit ang mga mobile facilities.

Sa kabilang banda, ipinangako ni Vergeire ang kanyang suporta upang magbigay ng mga gamot at iba pang mga kailanganin upang tulungan ang mga naapektuhan ng bagyo at pagbibigay ng serbisyo gayundin ang tulong teknikal para sa iba’t ibang mga hakbangin ng Universal Health Care (UHC), tulad ng paglikha ng mga network ng pangangalagang pangkalusugan para sa probinsya.

“Alam natin na 80% ng mga sanhi ng sakit ay hindi nakadepende sa kalidad ng serbisyong pangkalusugan, kundi nakadepende sa kapaligiran ng bawat isa sa atin. Kaya sa pamamagitan ng primary care na naka-focus sa health promotion, ating tinutugunan ang mga environmental factors na ito–o kung tawagin natin ay social determinants of health–upang masiguro na ang ating mga mamamayan ay magkakaroon ng maayos na health outcomes,” sabi ng Health OIC.

Binigyang-diin ng OIC ang mga pagsisikap ng DOH na tugunan ang mga social determinants ng kalusugan, na siyang pinagbabatayan ng iba’t ibang sakit na nararanasan ng mga Pilipino, kabilang ang mga FWBD.

“We recently activated the IACEH to discuss how we can all join efforts in preventing increases in cases of food and waterborne diseases across the country. Alam din natin na malaking factor talaga ang environment kung bakit nagkakasakit ang mga kababayan natin, at lalo silang nagiging vulnerable sa mga sakit na ito tuwing dumadaan ang mga bagyo. Kaya kasalukuyan na tayong nagsasagawa ng vulnerability assessment sa iba’t ibang rehiyon upang masiguro na anumang sakuna ang dumaan, walang masamang epekto ito sa ating mga kababayan,” pagtitiyak ni Vergeire.

Sa nasabing pulong, nangako ang ahensya na miyembro ng ACEH member na sama-samang magtrabaho upang tugunan ang mga hamon na humahantong sa mga hindi ligtas na kapaligiran. Jocelyn Tabangcura-Domenden