Vergeire muling nanawagan sa blood donors

Vergeire muling nanawagan sa blood donors

August 8, 2022 @ 1:26 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Muling nanawagan si Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire on Monday sa mga karapat-dapat na populasyon na magdonate ng dugo upang mapanatili ang suplay sa blood centers at healthcare facilities.

Sa panayam sa Unang Balita, sinabi ni Vergeire na kailangang patuloy na mapunan ang kanilang suplay ng dugo, kahit na sapat na ito sa ngayon.

“Nananawagan tayo sa ating mga kababayan, doon sa ating mga volunteer blood donors, kung maaari po makapagbigay tayo para ma-sustena natin ang ating supply ng dugo sa ating bansa,” pahayag ni Vergeire.

Ayon kay Vergeire, ang suplay ng dugo ay naapektuhan ng pandemya dulot ng COVID-19 dahil marami ang ayaw lumabas.

Ito aniya ang dahilan kung bakit  kinatok ng DOH ang kanilang mga regular na donor tulad ng mga tauhan ng militar sa Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) upang mapanatili ang kanilang suplay ng dugo.

Ayon pa kay Vergeire, masinsinan ang kampanya para sa blood donation upang maibigay ang dugo na kinakailangan ng ating populasyon.

Dagdag pa nito na unti-unti na ring nadadagdagan ang mga blood donors.

Nauna nang sinabi ng DOH National Voluntary Blood Services Program na ang potensyal na volunteer blood donors ay dapat healthy individual na edad 18 to 65; may  pulse rate sa pagitan ng  60 hanggang100 beats per minute; dapat ay nasa 50 kilograms; may blood pressure sa pagitan ng 90 hanggang 160 (systolic) at 60 hanggang 100 (diastolic); at hemoglobin ng kahit 125 g/L. Jocelyn  Tabangcura-Domenden