Vergeire: Walang Pinoy na pababayaan pagdating sa kalusugan

Vergeire: Walang Pinoy na pababayaan pagdating sa kalusugan

July 15, 2022 @ 7:28 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nangako ang bagong officer-in-charge (OIC) ng Department of Health (DOH) na si Maria Rosaria Vergeirena walang Pilipinong maiiwan o pababayaan pagdating sa pampublikong kalusugan.

Ito ang unang pampublikong pahayag ni Vergeire bilang OIC ng DOH matapos siyang italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa posisyon noong Huwebes ng hapon.

“Maraming salamat po sa ating Pangulo at sa bayan para sa pagkakataong ito na maglingkod. Agarang hangarin po naming lahat sa Kagawaran na paigtingin ang pagbakuna, mapigilan ang pagdami ng kaso ng COVID, at mapangalagaan ang kapakanan ng mga health workers,” ani Vergeire.

“Patuloy po tayong makikipag-ugnayan sa iba’t ibang sector. Wala pong maiiwan, lahat tayo magkakasama patungo sa universal healthcare,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 1, epektibo noong Hunyo 30, ang OIC ay dapat gampanan ang mga tungkulin at gampanan ang mga responsibilidad ng opisina hanggang 31 Hulyo 2022, o hanggang sa maitalaga ang kapalit.

Gayunpaman, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na maaaring ma-extend ang tungkulin ni Vergeire bilang OIC ng departamentong pangkalusugan kung hindi pa pumili ng health secretary si Marcos sa Hulyo 31. Jocelyn Tabangcura-Domenden