Vhong, laya na!

Vhong, laya na!

December 7, 2022 @ 6:55 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Magiging masaya ang selebrasyon ng Pasko ni “It’s Showtime” host at komedyante na si Ferdinand “Vhong” Navarro matapos itong pagkalooban ng korte ng kanyang pansamantalang kalayaan ng pagkakakulong sa Taguig City Jail Male Dormitory matapos maglagak ng P1 milyon na piyansa nitong Disyembre 6.

Ito ay napag-alaman sa abogado ni Navarro na si Lawyer Mariglen Abraham-Garduque na nagsabing tuluyan nang lumaya sa pagkakakulong ang kanyang 45-taong gulang na kliyente dakong alas 6:00 ng gabi (Disyembre 6).

Pinaboran ni Taguig Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Loralie Cruz Datahan ng Branch 69 ang petisyong pagpipyansa na inihain ni Navarro sa desisyon na may petsang Disyembre 5 kaugnay sa kasong rape na isinampa ng modelong si Deniece Cornejo.

“The undertaking [bail] shall be effective upon approval, and unless cancelled, shall remain in force at all stages of the case until promulgation of the judgment of the Regional Trial Court, irrespective of whether the case was originally filed in or appealed to it,” ayon sa regulasyon.

“It must be emphasized, however, that a grant of bail does not prevent the Court, as trier of facts, from making a final assessment of the evidence after full trial on the merits,” ayon naman sa korte.

Matatandaan na sa pagsasagawa ng limang pagdinig ng piyansa ni bail Navarro sa korte nitong nakaraang Oktubre at Nobyembre ay tumestigo laban sa actor sina Cornejo at Cedric Lee.

Nakamit ni Navarro ang pansamantlang Kalayaan matapos ang 79 araw na pagkakakulong mula Setyembre 19 noong sumuko ang aktor sa National Bureau of Investigation (NBI) sa Quezon City.

Sinabi ng abogado ni Navarro na si Lawyer Alma Mallonga na masayang-masaya si Navarro at nagpasalamat sa korte matapos payagan siyang maglagak ng kanyang piyansa.

Dagdag pa ni Mallonga hindi lang si Navarro ang naging masaya sa kanyang paglaya kundi pati na rin ang ang kayang pamilya, mga kaibigan, legal team, gayundin ang mga taong sumuporta sa kanyan na naniniwala sa kanya sa kanyang ipinaglalaban ay naging masaya din sa mga pangyayari na umaayon sa aktor. James I. Catapusan