Vhong Navarro inilipat na sa Taguig

Vhong Navarro inilipat na sa Taguig

November 21, 2022 @ 4:28 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inalis na sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) ang actor na si Vhong Navarro nitong Lunes, Nobyembre 21.

Si Navarro ay inilipat na sa Bureau of Jail and Management Penology – Taguig City Jail – Male Dormitory sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Ang paglilipat ng kulungan sa aktor ay matapos na hilingin ito ng Taguig Regional Trial Court Branch 69 sa Security Management Section ng ahensya (NBI-SMS) noong Nobyembre 14.

Ngunit sumailalim pa sa ilang mga medical examination si Navarro tulad ng RT-PCR test, alinsunod sa health protocol requirements bago ang kanyang paglilipat sa BJMP, Taguig City.

Ngayong hapon, ineskortan ng mga ahente ng NBI si Navarro mula sa NBI Detention Center patungong Taguig City Jail.

Matatandaang nakulong si Navarro sa kasong rape na isinampa laban sa kanya ng model na si Denice Cornejo na umano’y ginamitan nito ng puwersa. Jocelyn Tabangcura-Domenden