Vhong Navarro, nasa kustodiya pa rin ng NBI – source

Vhong Navarro, nasa kustodiya pa rin ng NBI – source

October 7, 2022 @ 3:46 PM 6 months ago


MANILA, Philippines – Nananatiling nakakulong ang TV host at aktor na si Vhong Navarro sa National Bureau of Investigation o NBI, giit ng pinagkakatiwalaang source na isang opisyal ng ahensya.

Ayon sa source, walang “special treatment” kay Navarro.

Gayunman, kailangan lamang aniyang maihiwalay pansamantala sa ibang detainee ang aktor dahil marami umanong nagpopositibo sa COVID-19.

Bukod dito, ang 33 Chinese nationals na mga POGO workers na naaresto ng NBI kamakailan ay hindi na rin umano nailipat sa Bureau of Immigration dahil sa dami na ng naroon kaya okupado na ang isang palapag ng inuupahang gusali ng NBI sa Quezon City.

“Yung mga Chinese POGO kasi na naaresto ng NBI, imbes na ilipat sa BI– yung BI na ang nagpunta sa NBI dahil sa sobrang dami nila– syempre dumaan sila sa proseso, eh ang dami nila nagpositibo pero si Vhong ililipat din yan sa ibang mga preso dahil dumaan din sa proseso yan. Kailangan lang pansamantala ihiwalay dahil sa dami ng nagpositibo sa COVID-19 pero walang special treatment,” sabi pa ng source.

Nang tanungin kung bakit hindi pa nailipat sa Taguig City Jail si Navarro, sinabi ng source na wala pa silang natanggap na court order para sa paglilipat ng kulungan ng aktor.

Giit ng opisyal, kapag wala nang positibo sa mga detainee ay makakasama na ni Navarro ang iba pang ordinaryong indibidwal na nakakulong sa detention facility ng ahensya. Jocelyn Tabangcura-Domenden