Vhong, umiyak sa pagbabalik sa it’s Showtime; Deniece, may pasaring sa Twitter!

Vhong, umiyak sa pagbabalik sa it’s Showtime; Deniece, may pasaring sa Twitter!

January 17, 2023 @ 2:28 PM 3 weeks ago


Manila, Philippines – Gaya ng inanunsiyo ni Vice Ganda na may magbabalik sa It`s Showtime, last Monday ay naganap na nga ang inaabangan dahil nagbalik si Vhong Navarro sa nasabing noontime show.

Matatandaang pansamantalang nawala si Vhong sa programa matapos makulong ng ilang buwan sa detention center ng NBI at sa Taguig City Jail dahil sa kasong rape na isinampa sa kanya ng dating model na si Deniece Cornejo.

Dahil pinayagan na siyang makapagpiyansa ay nakalaya ang TV host/actor noong bago mag-Pasko. Pagkatapos lumaya ay inaabangan na siya ng kanyang mga followers na magbalik sa show nila ni Vice.

Emosyonal si Vhong sa paglabas pa lang sa stage, pati na rin ang mga audience.

Hanggang sa kanyang opening spiel ay hindi matapos ang kanyang pag-iyak kahit na sinabi na raw niya sa sarili na hindi siya iiyak. Pero sadyang hindi pa rin daw niya mapigilan.

Sa kanyang speech ay nagpasalamat si Vhong sa lahat ng mga taong naniwala, sumuporta at hindi siya iniwanan

Nagbalik-tanaw din siya sa panahong nakakulong siya.

“Pag nandu`n ka pala sa loob, para kang…ang hirap. Kasi nakita ko ‘yung kasama ko roon na mga inmates ko sa NBI, sa Taguig, naawa ako doon sa mga walang dumadalaw sa kanila. ‘Yung iba, iniwan na ng pamilya. At ‘yung iba, parang katulad ko na wala namang ginawa pero nandoon,” pagsasalarawan ni Vhong.

“Ano ka, ite-test ka talaga ni God kung ano ‘yung faith mo sa Kanya. Kaya sabi ko kay Kuya Ogie (Alcasid), ang hope at faith dapat magkasama ‘yan. Hindi pwedeng isa lang diyan ang mas mataas, dapat parehas yan, pantay yan.

“So, kumapit ako sa Panginoon, kumapit ako sa asawa ko, sa mga anak, sa pamilya ko, sa mga kaibigan ko at sa mga taong nagdadasal at naniniwala sa akin. Kaya patuloy akong lumaban na malagpasan ‘yung mga problemang pinagdadaanan ko. “ pahayag ni Vhong.

Samantala, kung marami ang natuwa sa paglaya ni Vhong ay mayroon din tutol sa naging desisyon na payagang magpiyansa ang TV host/actor sa kasong rape na isinampa sa kanya ni Ms Deniece.

Nagpatutsada rin si Deniece sa kanyang twitter na mukhang tutol sa pagbabalik ni Vhong sa programa. Gerry Ocampo