Vic Rodriguez sa pagpapatalsik sa kanya sa partido: ‘Hindi kawalan’

Vic Rodriguez sa pagpapatalsik sa kanya sa partido: ‘Hindi kawalan’

November 23, 2022 @ 2:22 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Hindi kawalan para kay dating Executive Secretary Vic Rodriguez ang pagpapatalsik sa kanya mula sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na partido rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Wala naman sa akin iyon. Hindi naman kawalan,” giit ni Rodriguez sa panayam ng TeleRadyo nitong Miyerkules, Nobyembre 23.

Matatandaan na inanunsyo ng partido na pinatalsik na nila si Rodriguez sa iba’t ibang tinukoy na dahilan.

Sa kabila na hindi kawalan ang pagpapatalsik sa kanya, naglabas naman ng hinanaing si Rodriguez kung bakit kailangan pang ilantad sa media ang bagay na dapat ay nasa loob na lamang ng partido.

“It’s an internal matter that should have been resolved internally. Kaya lang, eh ginamit nila iyong naging desisyon nila at instead na ako ang bigyan ng kopya, binigyan ang media. Anong layunin? Hiyain lamang ako. Hindi na ako papayag,” aniya.

“Hindi ko maintindihan bakit iyong simpleng reorganization ng isang kaliit-liit na partido, eh kinakailangan pang ipadala ng kopya sa media. Magbabago ba ang presyo ng asukal kahapon at ngayong araw pag nag-reorganize ang partidong iyan? Hindi naman,” dagdag niya.

Inihayag din ni Rodriguez na posibleng nag-ugat ang pagpapatalsik nang hindi niya payagan ang ilang kaalyado na magkaroon ng posisyon sa gobyerno dahil sa kakulangan nito sa kwalipikasyon, na maaaring nakita ng mga ito na kawalan niya ng loyalty sa partido.

Aniya, ilan sa mga ito ay nais na mamuno sa
Commission on Elections (Comelec), Commission on Audit (COA), at Civil Service Commission (CSC).

“Kaya sinasabi nila na disloyal ako. Okay lang naman sa akin iyon. I’m happy being disloyal. I’d rather be faithful and loyal… to the 31.6 million Filipinos who voted for President Bongbong Marcos rather than pagbigyan ang kapritso ng isang partido o ng iilang mga opisyal nito,” pagdidiin ni Rodriguez. RNT/JGC