Vice at Ate Gay, bati na!

Vice at Ate Gay, bati na!

August 28, 2022 @ 12:41 PM 1 month ago


Manila, Philippines – Saksi ang backstage ng New Frontier sa pagbabati nina Vice Ganda at Ate Gay.

Ipinost ni Ate Gay ang larawan nilang dalawa sa Instagram na may kalakip na “love, love, love.”

Kuha ‘yon sa backstage ng nasabing venue kung saan guest performer si Ate Gay sa palabas ng Beks Batallion nitong August 26.

Ang Beks Batallion ay binubuo nina Lassy, MC Muah at Chad Kinis na malapit kay Vice Ganda.

Matatandaang nag-ugat ang sigalot ng dalawa nang almahan ni Ate Gay ang pagbibiro ni Vice Ganda na kahawig daw ng una ang isang contestant sa Tawag Ng Tanghalan sa It’s Showtime.

Nagkataon ding naudlot ang pagsali mismo ni Ate Gay roon.

Sumama naman ang loob ni Vice Ganda sa mga nam-bash sa kanya matapos magbigay ng tulong pinansyal sa noo’y naospital na si Ate Gay.

Inilabas kasi ni Ate Gay sa social media ang P20,000 tulong ni Vice Ganda, na minaliit ng ibang netizen.

Ani Vice Ganda, may katapat daw bang presyo ang pagtulong?

Ang kay Ate Gay naman, nagpasalamat lang siya sa mga tumulong sa kanya, kabilang si Ogie Diaz na nagsilbing tulay.

Matatandaang nasuri si Ate Gay na may rare skin disease na kung tawagi’y toxic epidermal necrolysis o TEN.

Ilang mga common friends nina Vice Ganda at Ate Gay ang masaya sa kanilang pagbabati. Ronnie Carrasco III