Vice mayor, konsehal sugatan sa road accident

Vice mayor, konsehal sugatan sa road accident

October 1, 2022 @ 4:30 PM 2 months ago


LUCENA CITY – Nagtamo ng sugat ang vice mayor at isang konsehal ng bayan ng Pitogo sa Quezon province sa isang road accident nitong Biyernes, ayon sa police report nitong Sabado.

Inihayag ng Quezon police na si Pitogo Vice Mayor Paul Timothy Capino, 42, ang nagmamaneho kasama ang konsehal na si Alexander Mosquite, 43, na kanyang pasahero, nang mawalan ng kontrol sa sasakyan, isang Toyota RAV4, habang binabaybay ang kurbang bahagi ng daan sa Barangay Amontray bandang alas-11:30 ng gabi.

Patungo sana ang dalawa sa bayan ng Gumaca.

Sinabi ng kapulisan na bumangga ang sport utility vehicle sa bakod ng bahay at sa poste ng kuryente sa tabing-daan.

Nagtamo ng sugat ang dalawa at agad na dinala sa ospital sa bayan ng Gumaca.

Nagsasagawa ang mga awtoridad ng mas malalim na imbestigasyon. RNT/SA